ARAW ng halalan ngayon sa United States. Dahil sa malaking kaibahan sa oras, ang pagboto sa silangan ng Amerika ay magsisimula ngayong gabi, sa oras dito sa Pilipinas. Matatapos ang eleksiyon sa hapon, na Martes ng umaga naman sa Pilipinas. Dahil sa subok nang sistema ng pag-uulat ng Amerika, inaasahan nang magsisimulang dumagsa ang mga unang resulta ng botohan ilang oras makaraang matapos ang halalan.
Ang eleksiyong ito ay inilalarawan bilang kakaiba dahil ang mga usaping karaniwan nang nagwawatak-watak sa mga Amerikanong botante ay nalambungan na ng mga higit na personal na isyu na may kaugnayan sa personalidad ng dalawang kandidato sa pagkapangulo—sina Hillary Clinton ng Democratic Party at si Donald Trump ng Republican Party.
Nagsilbing senador na kinatawan ng New York State at secretary of state sa gabinete ni Presidente Obama, si Clinton ay may mahusay na record ng serbisyo sa gobyerno at may malawakang suporta mula sa kababaihang botante, kabataan at minorya. Ngunit ang pagsisiyasat ng Federal Bureau of Investigation sa mga email ng dating asawa ng isang tauhan ni Clinton ay nagbunsod upang bahagyang dumausdos ang nakukuha niyang bilang sa survey.
Si Trump, isang bilyonaryong negosyante, ay nakakuha ng malawakang suporta partikular na mula sa mga puting botante at nangakong ibabalik sa mga ito ang mga trabaho na ayon sa kanya ay napakikinabangan ng ibang bansa dahil sa malayang polisiyang pangkalakalan ng gobyerno. Gayunman, matindi ang tinatanggap niyang batikos dahil sa hindi magandang pananalita niya laban sa mga minorya, sa kababaihan, sa mga immigrant, partikular na sa mga Muslim, at sa paggigiit niyang dinadaya ang eleksiyon.
Lamang si Clinton sa karamihan ng presidential survey, ngunit sa survey ng ABC News/Washington Post ay nagtamo si Trump ng napakanipis na 46 na porsiyentong kalamangan laban sa 45% ni Clinton. Sinabi ng New York Times na mayroon siyang 88% tsansa na mapanalunan ang Electoral College vote, na pinakamahalaga sa halalan ng Amerika, kumpara sa popular vote. Para sa atin dito sa Pilipinas, interesanteng bigyang-diin na mas pinapaboran ng mga botanteng Fil-American si Clinton kaysa kay Trump, 54% sa 25%.
Ang lahat ng magkakakontrang resulta ng survey at pagtayang ito, ang nagpapatuloy na masalimuot na pag-atakeng personal sa pangangampanya, at ang pinangangambahang sumiklab ang karahasan sa araw ng halalan ay pinagtutuunan din ng pagkabahala ng buong mundo. Para sa karamihan ng mga pinuno sa mundo, inaasahan nilang ang hindi karaniwang pagkakawatak-watak na ito sa botohan ay hindi magbubunsod sa anumang pandaigdigang kumplikasyon o suliranin, gaya ng sinuman ang maihalal ay siyang magkakaroon ng kontrol sa dambuhalang kakayahang nukleyar ng bansa.
Dito sa Pilipinas, ang sarili nating mga opisyal, sa pangunguna ni Pangulong Duterte, ay higit na nangangamba sa kung paanong tutugunan ng bagong administrasyon ng Amerika, sino man kina Clinton o Trump ang manalo, ang mga kontra sa Amerika na pahayag ng ating Presidente, gayundin ang ipinupursige niyang patakarang panlabas na hindi masyadong nakaasa sa Amerika. Malaki ang posibilidad na gayahin ng Democrat na si Clinton ang naging pananaw ni Presidente Obama, ngunit ang Republican na si Trump, na hindi makasundo maging ang mga opisyal ng kinaaaniban niyang partido, ay magiging isang malaking misteryo.