ILOILO CITY – Isa sa pinakamahahalagang aral na idinulot ng super typhoon ‘Yolanda’ sa mga sinalanta nito tatlong taon na ang nakalilipas ay ang seryosohin ang paghahanda sa anumang kalamidad.

“If our local governments are better prepared, it is a big help in preventing damages,” sabi ni Iloilo Governor Arthur Defensor, Sr., binalikan ang pananalasa sa Visayas ng pinakamapinsalang bagyo sa kasaysayan noong Nobyembre 8, 2013.

Sa limang lalawigan sa Western Visayas, ang Iloilo ang pinakamatinding napinsala ng Yolanda.

Batay sa naunang datos ng Iloilo Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nasawi sa Yolanda ang 217 katao, habang nasa 950,000 katao ang nawalan ng tirahan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Defensor na mas handa na ngayon ang Iloilo sa mga kalamidad na kasing tindi ng Yolanda, ngunit kulang pa rin sa ilang kagamitan at sa mas malalaking evacuation center.

“We don’t have all the funds to put up evacuation centers. We have towns that really need evacuation centers,” pag-amin ni Defensor.

Kasabay nito, nagpahayag ng labis na pasasalamat ang gobernador sa tulong na patuloy na bumubuhos para sa probinsiya.

Ayon kay Defensor, nakabangon na ang mga lugar sa lalawigan na sinalanta ng Yolanda, partikular na ang mga nasa hilagang Iloilo, sa tulong ng iba’t ibang housing at socio-economic project ng mga gobyerno ng ibang bansa at ng mga organisasyon sa labas ng Pilipinas, partikular na ang Red Cross.

Matatandaang kaagad na nagkaloob ng ayuda sa mga sinalanta ng Yolanda ang South Korea, Japan, Italy, United Kingdom, Australia at United States. (Tara Yap)