BATID ang halaga ng tradisyunal at alternatibong pangangalagang pangkalusugan at medisina upang matiyak ang kalusugan at maayos na pamumuhay ng mga Pilipino, ang Presidential Proclamation No. 698, s. 2004, ay nagdedeklara sa Nobyembre bilang Traditional and Alternative Health (YAHC) Month. Sinusuportahan ng proklamasyon ang Republic Act (RA) No. 8427, na mas kilala bilang Traditional and Alternative Medicine Act (TAMA) of 1997.
Ang taunang selebrasyon ay pangungunahan ng Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC), na itinatag sa bisa ng RA 8423, s. 1997, bilang isang sangay na napapasailalim o pinangangasiwaan ng Department of Health. Kumakalap ng impormasyon ang PITAHC para sa edukasyon ng lahat ng taong nasa likod ng tradisyunal at alternatibong pangangalagang pangkalusugan.
Noong 2014, inaprubahan ng PITAHC board of trustees ang Philippine Research and Development Framework on Traditional and Complementary Medicine (T&CM) ng institusyon. Ginagabayan nito ang institusyon sa pagsasagawa ng: pananaliksik tungkol sa pangangalaga at pagkakaloob ng proteksiyon sa mga likas at pang-kulturang pamana ng tradisyunal na medisina sa Pilipinas; pananaliksik at pagsusulong sa pagiging ligtas, epektibo o benepisyo, at kalidad ng mga halamang medisinal sa Pilipinas at iba pang mga produktong natural; at clinical research sa pagiging ligtas at pagiging epektibo o kapaki-pakinabang ng T&CM modalities.
Tinutukoy naman ang complementary medicine kapag ang alternatibong gamutan (gaya halimbawa ng acupuncture, homeopathy, paglulunas na Chinese o Oriental) ay ginagamit kasabay ng palasak na gamutan at pangangalagang medikal sa paniniwalang ang kumbinasyon ng dalawa ay magpapaigting sa bisa ng pagbibigay-lunas. Sinisikap ng institusyon na maging isang “one-stop shop for quality, cost-effective, accessible, and acceptance T&CM products, services, and technologies.” Nagkakaloob ito ng mga de-kalidad na produkto mula sa halaman upang makaagapay sa mga requirement ng Department of Health, ng mga ospital na pinangangasiwaan ng kagawaran, at ng mga lokal na pamahalaan.
Hangad ng taunang paggunita sa Traditional and Alternative Health Care Month na mapaigting ang kamulatan ng publiko tungkol sa pagkakaroon ng mga tradisyunal at kumplementaryong gamot at lunas at turuan ang publiko kung paanong pinakaepektibong mapakikinabangan ang T&CM na gumagamit sa mga medisinal at pharmacological na sangkap ng mga halamang medisinal at iba pang natural na produkto na sagana lamang sa Pilipinas.