Ni TITO S. TALAO

SEOUL – Maagang magtatagpo ang landas ng nagkawalay na father-and-son tandem nina coach Yeng Guiao at Paul Lee.

Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa naihandang iskedyul para sa pagbubukas ng PBA season, tampok ang sagupaan ng NLEX Road Warriors at Star Hotshots sa opening 2016-17 Philippine Cup sa Nobyembre 20.

Nagkasama sina Guiao at Lee sa loob ng limang taon sa Rain or Shine, ngunit idinikta ng tadhana ang kanilang paghihiwalay nang lisanin ni Guiao ang Painters para pangasiwaan ang Road Warriors, habang na-trade sa Hotshots ang premyadong playmaker na si Lee kapalit ni James Yap para sa Painters.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nagabayan ni Guiao ang ROS sa dalawang kampeonato, habang hinubog ang talento ni Lee na tinanghal na Rookie of the Year noong 2012 at Finals MVP nang magwagi ang Painters sa nakalipas na Commissioner’s Cup.

“If there’s any chance I can get him, especially wala na siya sa Rain or Shine, wala naman akong agreement or any moral obligation to any other team other than my own,” pahayag ni Guiao sa panayam ng media sa PBA Press Corps awards.

“So if there’s a possibility, we will explore it,” aniya, patungkol sa posibilidad na muli silang magkasama ni Lee sa iisang team.

“Maliit lang naman ang mundo natin sa PBA, so, malay nyo, baka magkasama kami uli,” sambit naman ni Lee.

Sa kabila ng katotohanan na suntok sa buwan ang kaganapan, kapwa umaasa ang dalawa, gayundin ang kanilang mga tagahanga na magkaroon ito ng katuparan sa hinaharap.

Maging si Star Hotshots governor Rene Pardo ay nananabik sa posibilidad ng kaganapan.

“We’re looking forward to that meeting between Coach Yeng and Paul Lee,” sambit ni Pardo matapos ang pakikipagpulong kina PBA commissioner Chito Narvasa at Global port owner Cong. Mikee Romero sa Plaza Hotel dito.

“But of course we’re hoping Paul Lee will prevail,” aniya.