Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na tatanggapin ang lahat ng kinakailangang tulong mula sa gobyerno ng pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang bangkay sa Azaibah Area Muscat sa Oman.

Ayon sa kalihim ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na isang sangay ng DoLE, ang mag-uuwi sa labi ni Pinky Esmeria Pamittan, isang housekeeping supervisor sa Ramada Hotel sa Oman, na natagpuang walang buhay noong Oktubre 28, 2016.

“Nakikipag-ugnayan na ang POLO-Oman sa pamilya ni Pinky at kanila ring binabantayan ang pag-usad ng kaso,” ani Bello.

Kanya ring inatasan ang OWWA na ibigay ang kakailanganing tulong, partikular ang repatriation at airport services para sa labi ng OFW bilang regular na miyembro ng OWWA.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang pamilya ni Pamittan ay makakakuha ng death insurance benefit na P200,000.00 at tulong sa pagpapalibing na P20,000.00.

Ayon pa sa ipinarating na ulat sa kalihim, huling kasama ni Pamitan ang dalawang lalaking Indian national na kanyang katrabaho, ilang oras bago siya natagpuang patay.

Pumunta si Pamittan noong Marso 24, 2016 sa Oman sa pamamagitan ng Philippine Recruitment Agency (PRA)-E GMP International Corporation at Foreign Recruitment Agency (FRA)-Ikhtiar Trading and Contracting LLC. - Mina Navarro