Nina AARON B. RECUENCO, NESTOR ABREMATEA at FER TABOY

Dahil sa takot na mapatay matapos lumutang ang kanyang pangalan sa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte, sumuko si Albuera Mayor Rolando Espinosa.

Sa takot na matulad sa napatay na kanyang mga alalay sa police operations, nagpa-kostudiya siya sa Albuera Police Station ng halos dalawang buwan.

Kahapon ng madaling araw, dumating na ang kinatatakutan ni Espinosa---napatay siya sa loob ng kanyang selda sa Leyte Provincial Jail sa Baybay City.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ayon kay Senior Supt. Dionardo Carlos, spokesman ng Philippine National Police (PNP), magsisilbi ng dalawang search warrants para sa illegal possession of firearms at illegal drugs ang mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Eastern Visayas, nang mapatay si Espinosa at isa pang inmate na si Raul Yap.

Ang search warrants ay inisyu ni Judge Tarcelo Sabarre, ng Baybay City Regional Trial Court Branch 30, para kay Espinosa na nasa Detention Facility Number 1 at kay Yap na nasa Detention Facility Number 7.

“However, during the implementation of the search warrant, subject persons (Espinosa at Yap) fired upon the raiding team,” ayon kay Carlos, base umano sa report ng Eastern Visayas police.

Kasunod nito ay naganap ang maikling palitan ng putok ng baril na nagresulta sa pagkamatay nina Espinosa at Yap, dakong 4:00 ng madaling araw.

Sa radio interview, sinabi ni CIDG Region 8 officer Supt. Melvin Marcos, na ang kanilang operasyon ay nag-ugat sa intelligence report na may nagaganap na drug transactions sa loob ng Leyte Provincial Jail, sa pangunguna ni Yap. Sina Espinosa at Yap ay pawang taga-Albuera.

Nakumpiska naman ng pulisya ang Super 38 mula kay Espinosa at .45 pistol mula kay Yap.

Samantala ang insidente ay pinaiimbestigahan na umano ni Chief Supt. Elmer Beltejar, regional director ng Eastern Visayas police.

“I have ordered the Regional Internal Affairs Service of Region 8 to conduct investigation if the police operational procedures were followed in that operation,” ani Beltejar.

Sinabi naman ni CIDG Spokesperson Elizabeth Jasmin na iimbestigahan din nila kung bakit may armas at droga sina Espinosa at Yap sa kulungan.