GAYA ng iba, mistulang nagagamay na ng United States ang mga hakbangin at pahayag ni Pangulong Duterte.
Nagsalita sa harap ng mga mamamahayag nang bumisita sa Beijing, China, nitong Oktubre 29, sinabi ni Deputy Secretary of State Antony J. Blinken na posibleng naengganyo ni Pangulong Duterte ang Beijing na tumalima — kahit bahagya lamang — sa desisyon ng Arbitral Court na ang Scarborough Shoal ay isang tradisyunal na pangisdaan at marapat na manatiling bukas para sa lahat ng matagal nang namamalakaya roon.
“Indeed there are some signs… with regard to Scarborough that China may be acting in accordance with the arbitration decision. That could be a very positive development,” sabi ni Blinken. Ang pahayag niyang ito ay ipinaskil sa website ng kagawaran.
Nababahala ang mga opisyal ng Amerika sa bagong direksiyong tinatahak ni Pangulong Duterte para sa Pilipinas. Ang isa sa mga reaksiyon dito ay ang pagtutol ng isang senador sa Amerika sa plano ng Amerika na magbenta ng nasa 26,000 assault rifle sa Pilipinas.
Gayunman, iginiit ng mismong State Department na maninindigan ang Amerika sa ipinangako nito sa Pilipinas, sa kabila ng hindi magagandang komento ni Pangulong Duterte laban kay President Obama at sa pagpapahayag nito ng intensiyong “humiwalay” sa Amerika. Kalaunan, nilinaw mismo ng Pangulo na ang “paghiwalay” na binanggit niya ay hindi “diborsiyo”. Nais lamang niyang ipursige ang isang mas nagsasariling patakarang panlabas para sa Pilipinas na, maaaring sabihin, na masyadong nakaasa sa Amerika.
Ang mga pahayag ni Pangulong Duterte, na kadalasang inilalahad sa mga impromptu speech at sa mga panayam sa kanya ng mga mamamahayag, ay ipinaliliwanag, nililinaw at idinedetalye ng iba’t ibang opisyal niya, at umapela si Presidential Spokesman Ernesto Abella sa lahat na gamitan ang mga pahayag ng Pangulo ng “creative imagination.”
Sineryoso marahil ni Deputy Secretary of State Blinken ang payo na ito ni Abella kaya nauunawaan na niya ngayon ang positibong idinulot ng mga huling hakbangin ng Pangulo sa mga ugnayang panlabas. Sa pamamagitan ng pagiging mas bukas sa anumang posibilidad, tiyak na makikita ng iba pang mga kritiko ang mabuting ibinubunga ng mga ginagawa ng bagong Presidente para sa bansa.