EPEKTIBONG paraan ang selebrasyon na Filipino Values Month ngayong Nobyembre, alinsunod sa Proclamation No. 479 na inilabas noong Oktubre 7, 1994, para isulong ang kamalayan ng buong bansa sa pambihira, positibo, at tunay na kaugalian na pinahahalagahan ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Nakaangkla sa apat na pundasyon — makadiyos, makatao, makabayan, at makakalikasan, sumasalamin ang mga kaugalian na ito sa mayamang tradisyon at kultura ng bansa, na ang kaugaliang Pilipino ay itinuturo simula pa lamang sa pagkabata. Nadedebelop ito mula sa direktang karanasan ng mga tao sa kapwa, partikular sa kanilang mga magulang, guro, kamag-anak, at kaibigan. Nagiging produktibo, responsible, at masunurin sa batas ang mga Pilipino na may positibong kaugalian, lalong-lalo na sa paggalang sa dignidad at reputasyon ng isang tao.
Nagsisimula ang values formation sa pamilya, sa ispiritual na buhay, relasyon sa ibang tao, sa trabaho, at sa komunidad. Ang karaniwang mga kaugalian, tulad ng pagiging matulungin at ang magiliw na pagtanggap ng panauhin ang nabubuklod sa mga pamilya, mga katutubo, mga lipunan, at mga bansa.
Nangunguna ang pamilya sa pagtuturo ng magagandang asal at kaugalian sa mga batang Pilipino sa tahanan. Natututong magsabi ang mga bata ng “po” at “opo” sa mga nakatatandang tao at pagmamano sa kanila bilang tanda ng paggalang. Nakasentro sa pamilya ang Pilipinas; ipinakikita ito sa arugang inilalaan sa mga bata, ang pagtulong at pamamahagi sa mga kamag-anak na nangangailangan, at ang pagsasakripisyo para sa kabutihan ng pamilya. Bibihirang Pilipino ang naglalagak ng matatanda sa nursing homes; inaalagaan nila ang matatanda lalong-lalo na sa panahon na nasa dapit-hapon na ang buhay ng mga ito.
Matibay ang mga kaugaliang Pilipino na bayanihan, utang na loob, sariling pagsisikap, at pakikisama. Pinalalakas at pinapatibay ng mga paaralan at institusyon ang pagtuturo ng values education sa paglalaan ng mga oportunidad para sa kabataan na ibahagi sa ibang tao ang natutuhang kaugalian sa tahanan at sa kanilang pakikisama sa mga kaibigan at nakatatanda.
Ang kaugalian na pinanghahawakan ng mga bansa at mga indibiduwal ang nagiging dahilan para maging katangi-tangi sila. Kilala ang mga Pilipino sa buong mundo dahil sa kanilang ugali; ang pagmamahal sa Diyos, sa bansa, at sa pamilya; pagiging masikap at masipag; pagpapahalaga sa karangalan ng tao at dignidad; pagiging mapagmalasakit, mapagbigay, mabuting pakikisama, pagiging tapat sa kaibigan, paggalang at pagiging mapag-aruga sa matatanda. Nakatutulong ang pakikipag-ugnayan sa mga taong may iba’t ibang kultura sa pagdebelop nila ng matibay na work ethic, pagiging mapagpasensiya, pagiging mabuti sa magulang, paniniwala sa Diyos at pagiging magaling sa negosyo. Sa mga kaugalian na gumagabay sa kanila, nagagawang mapagtagumpayan ng mga Pilipino ang mga pagbabago at hamon sa buhay.