NEW YORK (Reuters) – Nagbabala ang mga federal official sa mga awtoridad sa New York, Texas at Virginia tungkol sa isang hindi tinukoy na banta ng pag-atake ng teroristang grupo na al-Qaeda sa bisperas o sa mismong Election Day, kaya naman nakaalerto ng pulisya kaugnay ng halalan sa Martes.
Ayon isang source mula sa pamahalaan ng Washington, ilang federal agency ang nagpadala ng mga bulletin sa mga opisyal ng awtoridad tungkol sa nasabing banta.
Inalerto na ang New York Police Department (NYPD) at ang Port Authority of New York at New Jersey kaugnay ng nasabing impormasyon.
Nasa pinakamataas na antas ng pagpapatrulya rin ang port authority, na nangangasiwa sa mga paliparan, tunnel at tulay sa paligid ng New York City, ayon sa tagapagsalitang si Steve Coleman.
“We are aware of the information,” saad sa pahayag ng NYPD, idinagdag na nakikipag-ugnayan na rin ito sa mga intelligence agency at sa Joint Terrorism Task Force.
Sinabi naman ni Texas Governor Greg Abbott na masusing nakasubaybay ang kanyang tanggapan sa sitwasyon. “Texans should go about their daily lives as usual, but remain vigilant over the next several days and report any suspicious activity,” ani Abbott.
Hindi naman kinumpirma ng FBI ang nabanggit na report at hindi rin nagbigay ng anumang detalye. Hindi rin sumagot ang mga opisyal ng U.S. Department of Homeland Security nang hingan ng komento sa usapin.
Ang CBS News ang unang nag-ulat ng terror threat, na sinabing posible bukas, isang araw bago ang U.S. presidential election sa pagitan ng Democrat na si Hillary Clinton at ng Republican na si Donald Trump.