Plano ng Commission on Elections (Comelec) na i-release na lamang sa idaraos nilang mandatory satellite registration sa mga barangay ang may anim na milyong unclaimed voters’ ID (identification card) na nakatengga sa kanilang mga lokal na tanggapan.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa kabila ng pagsusumikap nila na maipaalam sa mga botante ang availability ng kanilang ID, nananatili pa ring umaabot sa 6,290,480 ang hindi pa nakukuha ng mga may-ari nito sa kanilang mga tanggapan.
Dahil dito, nagpasya na aniya ang poll body na i-release na lang ang mga ID sa idaraos na mandatory satellite registrations sa mga barangay para sa 2017 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Gayunman, nilinaw ni Jimenez na hindi ire-release ang mga voters’ ID sa mga barangay official, at ang election officers pa rin ang magbibigay nito sa mga botante.
Sa ilalim ng Resolution 10166, ipinag-utos ng Comelec ang pagdaraos ng dalawang satellite registration sa bawat barangay na sisimulan sa Lunes, Nobyembre 7, at magtatapos sa Abril 29, 2017. - Mary Ann Santiago