PALIBHASA’Y nakagulapay pa ang sambayanan, lalo na ang mga magsasaka, dahil sa nakaraang pananalasa ng magkasunod na bagyong Karen at Lawin, dapat lamang asahan ang kanilang pagkagulantang dahil naman sa nagbabadyang tatlong magkakasabay na sama ng panahon. Ipinahiwatig ng PAGASA na ang Typhoon ‘Marce’ ay maaaring maging isang bagyo anumang oras, bagama’t ito ay umaaligid pa lamang sa Luzon. Lusawin sana ito ng kalikasan.
Hindi ito hadlang upang lalong paigtingin ng mga magbubukid ang kanilang paulit-ulit na panawagan sa Duterte administration, sa pamamagitan ng Department of Agriculture, na madaliin ang pagsaklolo sa kanila. Mahigpit ang kanilang pangangailangan upang madagdagan ang mga palay seed dryer, lalo na kung walang patlang ang pag-ulan.
Kung maganda naman ang panahon, ang mga magsasaka ay napipilitang magbilang ng palay sa mga kalsada. Subalit bukod sa mapanganib sa mga transportasyon, ang ganitong sistema ay nagpapababa ng kalidad ng palay: nahahaluan ng buhangin at bato ang mga butil na nagiging dahilan naman ng pagkalugi ng mga magbubukid. Nagiging daan din ito upang magsamantala ang mga negosyante sa kapinsalaan ng mga maralitang mamimili.
Ang ganitong sitwasyon ay pinagpipistahan din ng middlemen na ipinapako sa P11 isang kilo ng palay kapag nakita nilang ito ay nangingitim dahil sa pagkabasa o pagkababad sa tubig. Tumatanggi naman ang National Food Authority (NFA) na ito ay bilhin ng P17 isang kilo, tulad ng itinatakda ng gobyerno. Dito sumusulpot ang kasumpa-sumpang pagsasabwatan ng NFA at ng mapagsamantalang negosyante.
Nais din ng mga magsasaka na madaliin ang implementasyon ng libreng patubig o pagsingil ng irrigation fee na ipinangako ng kasalukuyang administrasyon. Kaakibat ito ng pagdaragdag ng irrigation canal, lalo na sa mga bukirin na umaasa lamang sa patak ng ulan. Matutugunan nito ang walang katiyakang tagtuyot na malimit lumulumpo sa ani ng mga magbubukid.
Ilan lamang ito sa mga karaingan na tiyak na sinusuportahan ng mga local government unit (LGUs), lalo ni Gov. Czarina Umali ng Nueva Ecija – ang itinuturing na ‘Rice granary of the Philippines’. Patunay lamang ito na ang mga magbubukid ay malapit sa kanyang puso.
Ang patuyuan ng palay, irigasyon at iba pang agricultural subsidy ay bahagi naman ng buhay ng mga magsasaka, kaakibat ng kanilang adhikaing magkaroon ng sapat na ani o rice self-sufficiency sa bansa. (Celo Lagmay)