Aabot sa 20 kilo ng high-grade shabu, nagkakahalaga ng P100 milyon, ang nakumpiska ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa ikinasang buy-bust operation laban sa dalawang big-time drug trafficker, na konektado umano sa Binondo Drug Connection, sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Iniharap kahapon nina National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director General Oscar Albayalde at MPD Director Police Senior Supt. Joel Coronel sa mga mamamahayag ang mga suspek na sina Rommel Rodriguez, 38, messenger, ng 543 Tramo Street, Parañaque City, at Albert Gasingan, 36, driver, ng 2942 Aguarra St., Baclaran, Parañaque City.

Sa ulat ni Police Supt. Amante Daro, station commander ng MPD-11, dakong 4:30 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa buy-bust operation na ikinasa ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID)-Special Operations Task Unit (SOTU), Intelligence Section at ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office.

Napag-alaman na P300,000 halaga lamang ng shabu ang bibilhin ng poseur buyer sa mga suspek ngunit nang madakip ang mga ito ay nadiskubre sa kanilang sasakyan ang 20 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P100 milyon.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

“Nakalagay sa plastic na binalutan ng carbon paper, saka ibinalot sa foil ‘yung mga shabu. Na inilagay sa maleta.

Kaya mapapansin n’yo na marumi ‘yung plastic. Parang galing sa ibang bansa ito at dinala lang dito sa Pilipinas, bine-verify pa natin ‘yan. O baka ibibiyahe rin ito sa abroad, para hindi ma-detect ng x-ray machine,” ani Albayalde.

Bukod sa mga shabu, nakumpiska rin ang isang kalibre .45 pistol na may pitong bala at buy-bust money na P300,000.

Ang mga suspek, na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 26 at 11 (transporting/selling of illegal drugs) ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Laws, ay mga miyembro umano ng Binondo Drug Ring.

“Malawak ang operasyon ng sindikato nito (Rodriguez at Gasingan). Sila rin ‘yung sinasabing suspek sa pagpatay kina Barangay Chairman Echales at Andy Sy,” dagdag pa ni Albayalde. (MARY ANN SANTIAGO)