SA nakalipas na mga buwan ay naging suki ng mga pahina ng pahayagan para sa mga pandaigdigang ulat ang mga labanan sa Gitnang Silangan, at dalawang lugar ang namayagpag—ang Aleppo sa Syria at ang Mosul sa Iraq.
Ang Aleppo sa hilaga ay ang pinakamalaking lungsod sa Syria na kontrolado ngayon ng mga rebelde na limang taon nang nakikipaglaban sa gobyerno ng Syria ni King Bashar al-Assad. Ang mga rebeldeng Syrian ay mga mandirigma ng Free Syrian Army, kasama ang puwersa ng Islamic State (IS) at iba pang militanteng Sunni. Suportado naman si King Assad ng mga militanteng Shiite at ng Russia.
Sa unang bahagi ng nakalipas na Oktubre, isang kasunduan ang dapat sana’y nagbigay-daan upang makalikas ang daan-daan libong sibilyan ngunit hindi nagtagal ang bisa ng nasabing kasunduan at nagpatuloy ang mga paglalaban hanggang sa bombahin ng mga eroplanong Russian ang siyudad. Nagdulot ng malatrahedyang pinsala ang labanan sa Old City of Aleppo, isang UNESCO World Heritage Site. Ngunit higit na nakapanlulumo ay ang pagkasawi ng libu-libong sibilyan at mandirigma sa magkabilang panig, at walang anumang senyales na matutuldukan na ito.
Sa tapat ng hangganan ng Syria at Iraq sa bahaging silangan naman matatagpuan ang lungsod ng Mosul, nasa 400 kilometro sa hilaga ng Baghdad. Sa nakalipas na dalawang taon ay kinubkob ito ng Islamic State. Nito lamang nagkaroon ng lakas ng loob ang gobyernong Iraqi upang tangkain ang pagbawi sa Mosul, sa tulong ng armadong grupong Kurdish na tinatawag na Peshmerga, mga mandirigmang Shiite na Popular Mobilization Units, at isang pandaigdigang koalisyong militar, na pinangungunahan ng United States ang pag-atake at mayroon ding mga special operations force.
Ang Mosul ay nasa kanlurang baybayin ng Tigris River. Sa tapat nito, sa silangang dalampasigan ay ang sinaunang siyudad ng Nineveh, isa sa mga makasaysayang lugar ng mga Assyrian, kung saan matatagpuan ang mga puntod ng ilan sa mga propeta sa Lumang Tipan, kabilang na si Jonah. Ang kanyang libingan ay kabilang sa mga sinaunang cultural site na winasak ng Islamic State noong 2014.
Mahalagang bigyang-diin na ang Syria at Iraq ay parehong hawak ng Islamic State na naghahangad na makapagtatag ng isang Muslim caliphate sa mundo. Ito rin ang Islamic State na sinusuportahan ng Abu Sayyaf sa Mindanao, na ginaya na rin maging ang pamumugot ng IS sa mga bihag nito.
Kahit pa walang kaugnayan sa atin sa pamamagitan ng Abu Sayyaf, ang nangyayari ngayon sa Aleppo at sa Mosul ay isang seryosong pangamba para sa ating lahat sa mundo sa ngayon. Dahil sa karahasan sa Syria, Iraq, at sa iba pang lugar sa Gitnang Silangan sa ngayon, nagsilikas ang milyun-milyong refugee sa hangaring makapagsimulang muli ng kani-kanilang buhay sa Europa.
Walang nakababatid kung kailan magtatapos ang karahasan at kaguluhan sa Aleppo at sa Mosul ngunit kaisa tayo ng buong mundo sa pananalangin na sana’y matuldukan na ito sa lalong madaling panahon.