NITONG November 2 (Miyerkules) ang deadline ng submission ng full length film entries para sa Metro Manila Film Festival 2016, mula sa original na October 31.

Holiday ang orihinal na petsa kaya na-move nga ang last day of submission, sa opisina ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ilang film producers ang natuwa dahil ang iba sa kanila ay “naghahabol” sa puyatang post production -- ito ‘yung final editing, final musical scoring, paglalapat ng sound, color grading, visual special effects (kung meron man), etc.

Pero last week pa, umikot na ang bali-balitang pumayag ang MMFF 2016 executive committee na kahit na “picture lock” version lamang ng pelikula ay tatanggapin na nila -- kahit hindi pa “final version” o tapos na tapos na, hindi lamang ang na-shoot na scenes kundi buo na ang lahat ng technical elements.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Ang kahulugan ng film production term na “picture lock” ay naka-lock na ang pagkakasunud-sunod o pagkaka-edit ng lahat ng mga eksena ng isang pelikula, mula sa simula hanggang sa ending. Pero wala pa ang final sound mix, musical score, color grading, etc.

Earlier this year, inihayag ng MMFF executive committee ang criteria for judging:

Story, audience appeal, overall impact -- 40 %

Cinematic attributes or technical excellence -- 40 %

Global appeal --10 %

Filipino sensibility -- 10 %

Total 100%

Kaya tinanong namin, via social media messaging, si Moira Lang, isa sa MMFF execom members, kung papaano idya-judge ng competition committee ang criterion na “technical excellence” (40%) kung “picture lock” version pa lang naman ang isinumiteng pelikula?

Lumalabas na para lang pagbigyan ang mga na-late na producers sa submissions at nangangarag sa post-production, kaya pumayag silang i-adjust ang naunang rule na “finished product” to just a “picture lock” version.

Inamin ni Moira na totoong pumayag ang execom sa “picture lock” version lamang. Pero, aniya, ito nga ay malaking “risk” para sa total score ng competition committee, na unfair na siyempre sa producers na nag-submit ng fully finished film.

“Hi, it’s true,” sagot sa amin ni Moira. “And you make a great point. Those who submit their film na hindi finished ang lahat ng elements run the risk of the selection committee (renamed competiton committee) not fully appreciating it and favoring the really finished works.”

Idinagdag rin niya na ang mga nag-submit ng “picture lock” version lamang ay hindi na papayagang mag-re-edit, dahil iyon daw ay point of disqualification.

Opisyal rin itong na-post sa MMFF Facebook Page noong October 26.

“Hindi nila p’wede galawin ang edit or madi-disqualify sila. The edit must be locked. No addition, deletion, lengthening, or shortening of scenes is allowed if a film makes it to the lineup of eight (8) MMFF 2016 finalists,” ani Moira.

May ilang producers kasi na nagrereklamo sa pagbabagong ito, dahil unfair raw sa kanilang mga nagpakahirap, nagpuyat, nagtiyaga sa post production upang sumunod sa unang rule -- noong wala pang usapin tungkol sa “picture lock.”

“We will see. I trust the selection committee to make the fair decision,” sabi ni Moira.

Ang request ba na kahit na “picture lock” lang ang isumite ay galing sa ilang film producers addressed sa MMFF Execom at pumayag ang execom sa nasabing request?

“Wrong info,” paglilinaw niya. “Ang nirequest ng (mainstream film) studios was another month long extension of the deadline, which the execom flatly denied.”

Ano ang naging factor sa desisyon nila para tanggapin na rin ang submission kahit na “picture lock” lamang?

“It was an execom decision,” simpleng sagot ni Moira. “Dapat, ‘yun na ang final edit ng bawat eksena at ng buong pelikula, mula simula hanggang dulo. ‘Pag may ‘dinagdag o binawas silang eksena o hinabaan o iniiksian, disqualified ito.”

Hanggang sa nai-report sa 24 Oras ng GMA-7 ang isyung ito ng bagong ipinapatupad na rule ng MMFF.

Nagsalita si GB Sampedro, direktor ng Mang Kepweng Returns ng kanyang saloobin tungkol sa isyu. Ang nasabing pelikulang pinagbibidahan ni Vhong Navarro ay isinumite nila sa MMFF nang buong version at hindi lamang “picture lock”.

“I’m happy and proud kasi kami natapos kami bago mag-November 2. Sana naman may edge ‘yung mga nag-submit na sumunod sa rules,” lahad ni Direk GB.

Bukod sa Mang Kepweng Returns, ayon sa aming sources, ang ilan pang mga nakatapos ng “finished product” na nag-submit sa MMFF ay ang mga sumusunod:

Moonlight Over Baler ni Direk Gil Portes (starring Elizabeth Oropesa); Across The Cresent Moon ni Direk Baby Nebrida (starring Matteo Guidicelli); Pusit ni Direk Arlyn dela Cruz (starring Jay Manalo)

Natapos din ang final cut ng Ang Babae Sa Septic Tank 2: Forever Is Not Enough ni Direk Marlon Rivera (starring Eugene Domingo), at Enteng Kabisote 10 and The Abangers ni Direk Tony Y. Reyes (starring Vic Sotto), among others na hindi pa namin nakumpirma.

Sa report ng 24 Oras tungkol sa kontrobersiyal na isyu, may pasabog na pahayag si Sen. Tito Sotto:

“It’s a complete violation of the original rules. It’s like changing horses midstream because may mga gustong sumali na hindi tapos. Kaya parang bini-bend nila ang rules para ma-accommodate.”

Nagbigay ng warning ang senador sa MMFF executive committee tungkol sa development ng balitang ito, na kung hindi raw nito aayusin ang isyu ay plano niya itong dalhin sa Senado sa Lunes, November 7.

“If the MMFF Executive Committee will not do something about that last memorandum that they released, I plan to take it up in the Senate floor on Monday,” matapang na pahayag ni Senator Sotto.

Nagpadala uli kami ng mensahe kay Moira Lang, to get their side pero ang tugon niya ay, “Hi Mell. Ayoko i-pre-empt ang magiging official statement ng MMFF on the matter. Hope you understand.”

Tinext rin namin si Atty. Rochelle Macapili-Ona, executive director of MMFF to comment, pero sinabi niyang si Ms. Boots Anson Roa ang kanilang spokesperson.

Pero may ibinigay itong oras kahapon na maaari lang makontak si Ms Boots, at since deadline na namin ay bukas na namin masusulat ang kanyang panig. (MELL NAVARRO)