Libreng mapapanood ng mga Manileño ang laban nina Manny Pacquiao at Jessie Vargas, na gaganapin ngayong Sabado sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas, Nevada, ngunit mapapanood sa bansa bukas.

Ayon kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, tulad ng nakagawian ay libreng mapapanood ng boxing fans ang laban ng Pambansang Kamao sa pitong lugar sa lungsod, kabilang na ang Del Pan Sports Complex sa District 3, Tondo Sports Complex sa District 1, Patricia Covered Court sa District 2, Rasac Covered Court sa District 3, Tolentino Sports Complex sa District 4, San Andres Sports Complex sa District 5 at Sarmiento Covered Court sa District 6.

Nilinaw din ni Estrada na walang ipinamamahaging ticket ang pamahalaang lungsod para sa nasabing laban, at lahat ng residente ay maaaring makapanood.

Tiniyak naman ng alkalde na bibigyan ng special seats ang mga senior citizen at mga may kapansanan.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Kasabay nito, inihayag din kahapon ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na ipagagamit nila ang V. Luna Medical Center at AFP Wellness Center sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City, para sa daan-daang sundalo at pamilya ng mga ito na nais na libreng mapanood nang live ang Pacquiao-Vargas WBO Welterweight fight.

Sinabi ni Padilla na inaasahan ding magkakaroon ng free viewing ang mga kampo ng Army, Air Force and Navy sa buong bansa.

Gaya ni Pangulong Duterte, kumpiyansa rin si Padilla na mapapabagsak ng 37-anyos na boksingerong senador ang mas bata nitong katunggali. (Mary Ann Santiago at Francis Wakefield)