NAPAG-ALAMAN ng mga scientist na ang paninigarilyo ng isang kaha kada araw ay maaaring magdulot ng 150 masamang pagbabago sa cells ng baga ng isang naninigarilyo.

Ang resulta ay base sa pag-aaral ng genetic damage, o masamang pagbabago, na sanhi ng paninigarilyo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao.

Inilathala sa journal Science nitong Huwebes, sinabi ng mga researcher na ang resulta ay nagpapakita ng direktang ugnayan sa pagitan ng dami ng nauubos na sigarilyo sa buong buhay ng isang tao at ang bilang ng mutations o pagbabago sa DNA ng cancerous tumors.

Ang may pinakamataas na mutation rate ay nasilayan sa lung cancer, ngunit ang mga tumor sa ibang bahagi ng katawan – kabilang ang bladder, atay, at lalamunan – ay iniuugnay din sa paninigarilyo, ayon sa mga researcher. Ito ang dahilan kung bakit ang paninigarilyo ay nagiging sanhi ng iba’t ibang uri ng cancer bukod pa sa baga.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Paano hahanapin ang katahimikan kung sarili ang kalaban araw-araw?

Aabot sa anim na milyong katao sa buong mundo ang namamatay dahil sa paninigarilyo kada taon. At kung ito’y magpapatuloy, tinatayang aabot sa mahigit isang bilyong katao ang mamatay dahil sa paninigarilyo sa loob ng isang siglo, base sa taya ng World Health Organization.

Ang cancer ay sanhi ng mutations sa DNA ng isang cell. Iniuugnay ang paninigarilyo sa 17 uri ng cancer, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw ang dahilan sa likod nito.

Ipinaliwanag ni Ludmil Alexandrov ng Los Alamos National Laboratory sa United States, isa sa mga nagsagawa ng pag-aaral, na hanggang ngayon ay mahirap pa rin ipaliwanag kung paano nagiging sanhi ng cancer ang paninigarilyo.

“Before now, we had a large body of epidemiological evidence linking smoking with cancer, but now we can actually observe and quantify the molecular changes in the DNA,” aniya.

Isinagawa ang pag-aaral na ito sa pamamagitan ng mahigit 5,000 tumor, ikinumpara ang iba’t ibang uri ng cancer sa mga taong naninigarilyo at sa mga taong hindi naninigarilyo.

Natuklasan ang molecular fingerprints ng DNA damage – na tinatawag na mutational signatures – sa DNA ng mga naninigarilyo, at binilang ito ng mga scientist kung gaano ito karami.

Sa mga cell sa baga, napag-alaman na ang paninigarilyo ng isang kaha kada araw ay nagdudulot ng 150 mutation kada taon. Ang bawat mutation ay maaaring magsimula ng “cascade of genetic damage” na maaaring humantong sa cancer, ayon sa kanila. (Reuters)