MAKALIPAS ang apat na taon na hindi nakapaglayag at nakapangisda sa Panatag Shoal, tinatawag din na Scarborough Shoal at Bajo de Masinloc, ay muling naglayag at puno ng pag-asang nakapangisda ang mga Pilipinong mangingisda sa fishing ground na sakop ng Panatag Shoal. Ang nasabing lugar na bahagi ng West Philippine Sea ay mayaman sa isda at yamang dagat.
Kahit malayo, ang mga mangingisdang taga-Masinloc Zambales at Pangasinan ay pinupuntahan ang shoal sapagkat maraming nahuhuling isda. Nagkaproblema noon ang mga mangingisda sapagkat inangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea. Inangkin ang Panatag Shoal na nasa 228 kilometro mula sa baybayin ng Zambales. Kasamang inangkin ng China ang katubigan na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Hinarangan ang shoal noong 2012 upang mapigil na makapangisda ang mga Pilipino. Hinarang at pinaalis ng mga tauhan coast guard ng China. Itinataboy at binobomba ng tubig. Naging dahilan ng hidwaan ng Pilipinas at China.
Palibhasa’y walang kakayahang lumaban ang Pilipinas at ipagtanggol ang inaangking shoal, idinemanda ang China sa UN backed Permanent Court of Arbitration sa The Hague. Pinaboran ng korte ang Pilipinas. Ang pag-aangkin ng China ay walang basehan sa international law at sinabing nilabag ng China ang mga karapatan ng mga Pilipino na makapangisda at galugarin ang mga resources ng katubigan na nasa 370 km. exclusive economic zone (EEZ) sa South China Sea.
Ngunit ang desisyon ng Korte ay hindi kinilala at tinanggihan ng China. Patuloy na hinarangan ang Panatag Shoal.
Nalutas ang problema ng mga mangingisda matapos mag-state visit sa China si Pangulong Duterte. Inalis na ng China ang kanilang mga chinese vessel sa Panatag Shoal.
Nagpasalamat ang mga mangingisda kay Pangulong Duterte na naging magandang muli ang ugnayan ng Pilipinas sa China.
Dahil dito, nasabi ng mga mangingisda na magiging maayos at maganda na rin ang takbo ng kanilang buhay. Inaasahan ng mga mangingisda na sana ay magtuluy-tuloy na ang malaya nilang pangingisda. Nasorpresa ang mga mangingisda sapagkat walang coast guard ng China na humarang sa Panatag Shoal at pumigil na makapangisda.
Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang balik-pangingisda ng mga Pilipino sa Panatag Shoal. Marami ang nagsasabi na palibhasa’y walang nakasulat na pormal na kasunduan ang Pilipinas at Beijing, walang tunay na basehan at legal na sitwasyon ay walang katiyakan kung hanggang kailan panatag na makapangingisda ang mga Pilipino sa Panatag Shoal.
Kahit anong oras ay maaaring mabago ang sitwasyon.
Maaaring muling pigilin ng Chinese authorities at itaboy ng mga coast guard ng China na patuloy na nagbabantay sa Panatag Shoal.
Ayon sa tambolero ng Pangulo, ang pamahalaan ng Pilipinas ay tumutupad sa kasunduang pagkakaibigan sa China na ang mga mangingisda ay hindi guguluhin.
Ayon naman sa tagapagsalita ng China, ipagpapatuloy ng China ang pamamahala sa Scarborough Shoal bilang Chinese territory sa kabila ng arbitral ruling na walang basehan ang pag-angkin ng China sa shoal na sakop ng EEZ ng Pilipinas. (Clemen Bautista)