Isa na namang drug pusher ang napatay ng mga awtoridad habang 32 katao ang inaresto sa anti–drug operation sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Ariel Tabocora, alyas “Rodel”, 22, ng Area 6, Luzon Avenue, Barangay Old Balara, Quezon City, dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa report ni Police Supt. Lito E. Patay, hepe ng Batasan Police Station 6, dakong 12:30 ng madaling araw sinalakay ng Station Anti–Illegal Drugs (SAID) ng QCPD-PS6 ang drug den na ang operator umano ay sina “Bong” at “Ate Lolo”.
Natunugan umano ni Rodel ang pagsalakay ng mga awtoridad sa nasabing lugar kaya bumunot ito ng baril at nang babarilin na niya ang mga pulis ay inunahan na siya ng mga ito na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Nang pasukin naman ng mga operatiba ang nasabing drug den, naaktuhang bumabatak ang 32 katao at sila’y inaresto, habang nakatakas sina Bong at Ate Lolo.
Sampu sa mga naaresto ang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(Jun Fabon)