ILOILO CITY – Tatlong barangay captain sa lungsod na ito ang sasailalim sa imbestigasyon ng Iloilo City Council dahil sa pagkakasangkot umano ng mga kaanak nito sa bentahan ng droga.

Sinabi ni Iloilo City Councilor Jeffrey Ganzon, chairman on police matters, na kabilang sa mga iimbestigahan sina Keith Espinosa, ng Barangay Monica-Blumentritt; Remia Prevendido-Gregori, ng Bgy. Bakhaw; at Noemi Jablo, ng Bgy. Desamparados.

Sa pahayag ni Ganzon sa may akda, ang pagsisiyasat ay batay sa resolusyon na inihain ni Councilor Plaridel Nava II, na nais mabatid kung nagkaroon ng kapabayaan sa tungkulin ang tatlong nabanggit na opisyal laban sa pagsugpo sa droga.

Si Espinosa ay asawa ni Jesus “Jing” Espinosa, Jr., na nakakulong na ngayon at ikinokonsiderang kanang-kamay ni Melvin “Boyet” Odicta, Sr.—ang umano’y drug lord na napatay nitong Agosto.

Probinsya

Truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon, nahulog sa bangin; isa patay!

May kaugnayan naman si Prevendido-Gregori sa Prevendido Drug Group, na tinukoy ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 6 bilang isang big-time drug syndicate.

Samantalang ilang kaanak ni Jablo ang naaresto na rin dahil sa bentahan ng droga. (Tara Yap)