Patay ang dalawang tulak ng ilegal na droga habang anim ang inaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.

Ayon kay Police Sr. Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang mga napatay na sina Noel Dela Cruz, 39 at Aldrin Guebelaguin, 27, kapwa residente ng Road 1, Dulo, Lingahan, Barangay Malanday ng nasabing lungsod.

Dakong 5:00 ng umaga, isinilbi ni Police Sr. Insp. Rodrigo Albayalde, head ng Follow-Up Division, ang search warrant kay Noel at natiyempuhan pa ito na nagre-repack ng shabu.

Ngunit sa halip na sumuko, nagpaputok umano ito ng baril kaya’t napilitang gumanti ang mga pulis na ikinamatay ng suspek.

Eleksyon

'Umpisa na ang himagsikan!' Sam Verzosa, tatakbong mayor ng Maynila

Narekober kay Noel ang dalawang cal. 38, isang 9mm at mga shabu.

Dakong 6:30 ng umaga, isinilbi naman ni Police Sr. Insp. Rodrigo Hizon ang search warrant kay Aldrin, ngunit nagkulong ito sa kuwarto na hawak ang baril hanggang sa pasukin ng mga pulis at mapatay.

Nakuha sa kanya ang isang cal. 38 at tatlong plastic sachet ng shabu.

Sa compound ding iyon, dakong 7:00 ng umaga, pinasok ni Police Sr. Insp. Milan V. Naz, head ng SAID-STOG, ang bahay ni Mikki Dela Cruz, ngunit wala ang target.

Tanging bumungad sa mga awtoridad ay sina Jeffrey Atacador, 27; Ricky Libiran, 49; Leonardo Dulay, 34; Lovely Torio, 36; Bernard Perez, 35; at Marily Libiran, 46, na nagpa-pot session. (Orly L. Barcala)