BISPERAS ng Undas. Ilang oras na lamang at papasok na ang nag-iisang araw na ito sa loob ng isang singkad na taon, para alalahanin nating mga buhay, ang mga mahal nating sumakabilang-buhay na – nang makaramdam ako na parang gusto kong sumingaw sa gitna ng kampo-santong aking kinatatayuan ng mga katagang: “TAMA NA, SOBRA NA…ITIGIL NA!”
Habang paikut-ikot kasi ako ng gabing iyon sa loob ng memorial park sa Novaliches, Quezon City sa paghahanap sa puntod ng mga pumanaw kong mahal sa buhay, nakatanggap ako ng impormasyon hinggil sa pagmasaker sa limang hinihinalang adik na huling-huli umano sa aktong tumitira ng ilegal na droga sa loob ng isang bahay sa Mandaluyong City.
Sakay umano sa motorsiklo ang mga armadong suspek na nang maghubad ng mga suot na helmet ay tumambad naman ang mga suot na maskarang pang-halloween, na ayon sa mga pulis ay malamang na mga vigilante o kalabang grupo ng mga napatay. Parang mga “sugapa” na raw sa pagpatay ang mga armadong lalaking ito dahil kahit na nagmamakaawa na ang kanilang mga “target” ay pilit pang pinadapa sa sahig ang mga hinihinalang adik at saka pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan.
Ang tanging “consuelo-de-bobo” raw ng mga lintik na birador na ito ay pagpapalabas muna sa dalawang batang nasa loob ng bahay bago pinagbabaril ang kanilang mga target. Dinig na dinig daw ng mga batang ito ang pagmamakaawa ng mga iniwan nila sa loob ng bahay bago nila narinig ang sunud-sunod na putok ng baril.
Sa narinig kong pagdetalye sa kuwento ng ‘di pa nagmintis ni minsan na police source kong ito, ‘di ko na talaga kinayang manahimik pa kaya isinigaw ko na lang ng pabulong ang – “TAMA NA, SOBRA NA…ITIGIL NA!” – ramdam ko ang pagpoprotesta ng bawat himaymay ng aking laman sa mga walang saysay na pagsasayang sa buhay ng mga nilalang na ito na inalisan na agad ng puwang na magbago.
Nasa ganoong pagmumuni-muni pa ako nang makatanggap naman ako ng text message mula sa isang source na nagsasabing may limang “FEDERAL” agent sa bansa na may... hawak ng kumpletong dokumentasyon ng 11 “extrajudicial killings” o EJK na napili nilang imbestigahan mula sa iba pang naitalang EJK na aabot na rin sa halos 2,000 simula pa noong Hulyo. Sa isip-isip ko naman, mayroon pa silang maidaragdag ngayon – ang tinagurian kong “Halloween Massacre” sa Mandaluyong City na nangyari ilang oras matapos ang “Halloween Party” ng mga pulis sa naturang siyudad.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)