MASAYANG ibinalita sa amin ng program manager ng Idea First Company na si Omar P. Sortijas mula Tokyo, Japan -- kasama ang mga staff at sina Direk Perci Intalan at Direk Jun Lana para sa ginaganap na Tokyo International Film Festival -- na nagwagi bilang Best Actor si Paolo Ballesteros at nakamit ng pelikulang Die Beautiful ang Audience Choice Award.
“Mamayang 2 PM ang awarding ng major awards,” una, kahapong umaga, sabi pa sa amin ni Omar.
Pinansin naming wala sa litrato ang bida ng Die Beautiful na si Paolo Ballesteros.
“Wala na rito sa Tokyo si Paolo, bumalik na siya ng Maynila noong Oktubre 28 (pa),” sabi sa amin.
Kaya ang sabi namin, oo nga pala, apat na araw lang ang paalam ni Paolo sa Eat Bulaga simula Oktubre 24-28. Kaya kinailangan niyang umuwi kaagad or else baka masuspinde na naman siya.
Pero laking gulat ng Team Die Beautiful nang biglang lumitaw sa venue si Paolo na sekreto palang pinabalik sa Japan ng Tokyo filmfest commitee kahapong madaling araw.
Kaya personal na natanggap ng aktor ang kanyang trophy plus cash na premyo.
Pangarap lang ni Paolo na lumakad sa red carpet dahil first time raw niyang magkaroon ng pelikulang kasali sa isang international film festival. Ngayon, siya pa ang naging man of the hour. Bongga!
Dahil sa paspasan na ang deadline, hindi na namin nahintay kung may iba pang awards na nakuha ang entry ng Pilipinas sa Tokyo filmfest.
Congratulations sa Team Die Beautiful! (REGGEE BONOAN)