WASHINGTON (AP) – Tuloy ang ratsada ni Demar DeRozan at sa pagkakatong ito naisalansan niya ang 40 puntos para sandigan ang Toronto Raptors sa 113-103 panalo kontra Wizards nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Kumubra si De Rozan ng mahigit sa 30 puntos sa ikaapat na sunod na laro para pantayan ang franchise record ni Mike James noong 2006.
Nanguna si John Wall sa Wizards sa natipang double-double -- 33 puntos at 11 assist – ngunit bigo siyang akayin sa panalo ang Wizards sa tatlong sunod na laro.
ROCKETS 118, KNICKS 99
Sa New York, ginapi ng Houston Rockets, sa pangunguna ni James Harden na kumana ng 30 puntos at 15 assist, ang Knicks.
Nag-ambag si Motrezl Harrell ng 17 puntos at 10 rebound para sa Houston na kaagad bumawi mula sa kabiguan natamo sa Cleveland Cavaliers.
Nakamit ng Knicks ang ikalawang kabiguan sa Madison Garden ngayong season at ikatlo sa apat na laro.
Kumubra si Carmelo Anthony ng 21 puntos, habang tumipa sina Derrick Rose at Courtney Lee ng tig-16 puntos.
LAKERS 123, HAWKS 116
Sa Atlanta, nagpamalas ng katatagan ang batang koponan ng Lakers sa road game at pabagsakin ang Hawks.
Nanguna si D’Angelo Russell sa naiskor na 23 puntos, walong assist at tatlong block para sa unang panalo ng Lakers sa apat na laro.
Kumana si Lou Williams ng 18 puntos at apat na assist, habang tumipa si Fil-Am Jordan Clarkson ng 16 puntos.
Nabalewala ang matikas na 31 puntos at 11 rebound ni Dwight Howard.
CELTS 107, BULLS 100
Sa Boston, nagdiwang ang home crowd sa impresibong panalo ng Celtics, sa pangunguna ni Amir Johnson na kumana ng 23 puntos, kontra Chicago Bulls.
Kumubra si Isaiah Thomas ng 23 puntos habang apat na Celtics ang tumpia ng double digits para ipalasap sa Bulls ang unang kabiguan sa apat na laro ngayong season.
Nanguna si Jimmy Butler sa Bulls sa naiskor na 23 puntos, habang tumipa si Dwyane Wade ng 15 puntos.