CAGAYAN DE ORO CITY – Nahaharap sa murder ang isang lalaki hindi lamang dahil pinatay niya ang kanyang kapitbahay, kundi iniluto at kinain niya rin umano ito sa isang bayan sa Bukidnon.
Ang pamilya ng biktimang si Edwin Ma ang nagharap sa korte ng kasong murder laban kay Teddy Boy Villegas.
Ayon sa Bukidnon Police Provincial Office (PPO), nagsumite na ang pamilya ni Ma ng affidavit sa provincial prosecutor’s office.
Kinumpirma ni Senior Insp. Danielo Bellezas, hepe ng Bukidnon PPO community relations office, ang inisyal na ulat na may diperensiya sa pag-iisip si Villegas at ito ang pinaniniwalaang dahilan sa brutal na pagpatay nito kay Ma.
Gayunman, sinabi ni Bellezas na kailangan ng pulisya ng propesyunal na opinyon ng isang psychiatrist upang matukoy kung totoo ngayong may sakit sa pag-iisip ang suspek.
“Only an expert can attest his (Villegas) real mental condition in court, which will decide if he can be acquitted due to his illness,” ani Bellezas.
Sinabi rin ni Bellezas na hindi gumagamit ng droga si Villegas.
Kung mapatutunayang walang sakit sa pag-iisip si Villegas, naniniwala ang pamilya ni Ma sa posibilidad na cannibal si Villegas dahil na rin sa ginawa nito kay Edwin. (CAMCER ORDOÑEZ IMAM)