Nagkontrahan ang Maynilad at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa napaulat na may nakaambang krisis sa tubig sa Metro Manila.
Sinabi kahapon ni MWSS Officer-in-Charge Nathaniel Santos na taliwas sa iniulat ng Maynilad na sa loob ng apat na taon ay posibleng kulangin ng supply ng tubig sa Metro Manila, tiniyak niyang may ginagawa ang gobyerno upang hindi ito mangyari.
Habang hinihintay ang konstruksiyon ng Kaliwa Dam, mapagkukuhanan din ng supply ang Laguna Lake at iba pang mga anyong tubig sa Rizal at Cavite.
Ayaw namang magkomento ni Santos sa posibilidad na humihirit lang ng dagdag-singil ang Maynilad kaya ito nagbitiw ng nasabing pahayag kaugnay ng nakaamba umanong krisis sa tubig.
Sa halip, hiniling ng MWSS ang kooperasyon ng taumbayan sa pamamagitan ng hindi pag-aaksaya ng tubig at tama at praktikal na paggamit dito. (Jun Fabon)