HALOS lahat tayo ay nakasubok nang uminom ng energy drink, marahil ay dahil sa hinahabol na deadline o habang nakikipagpuyatan sa gimik. Bagamat ligtas namang inumin ang energy drink, inuugnay ito ng bagong pag-aaral sa pagkasira ng atay, nang magkaroon ng hepatitis ang dating malusog na lalaki dahil sa labis na pag-inom nito.

Ito ang pangalawang pagkakataon na naiugnay ang acute hepatitis sa pag-inom ng energy drink.

Sa United States, madalas na sa mga kabataang lalaki na nasa edad 18 hanggang 34 ang pag-inom ng energy drink. Halos one-third ng kabataang nasa edad 12 hanggang 17 ang regular na umiinom nito, ayon sa National Center for Complementary and Integrative Health (NCCIH).

Simula 2007 hanggang 2011, dumoble ang bilang ng energy drink-related emergency department visit sa US. Ang pangunahing concern ay ang paghalo ng energy drink sa alak, na nagdudulot ng sobra-sobrang pag-inom.

National

VP Sara, iginiit na walang ginagawa si PBBM para sa bayan kaya walang masabi si Usec. Castro

Sa nilalaman naman ng energy drink, pinaniniwalaan na ang caffeine at asukal ang may pinakamatinding panganib sa kalusugan ng mamimili.

Gayunman, ayon sa bagong report, maaaring mayroong ibang nilalaman ang energy drink na nagiging dahilan sa pagkasira ng atay.

Idinetalye ng report ang 50-anyos na lalaki na naospital dahil sa acute hepatitis. Naiulat na umiinom ang pasyente ng apat hanggang limang energy drink kada araw sa loob ng tatlong linggo.

Ito ay hindi madalas na nangyayari; mayroon pang isang kaso, na ang 22-anyos na babae ay nagkaroon ng acute hepatitis sa sobrang pag-inom din ng energy drink.

Pag-inom ng apat hanggang limang energy drink sa loob ng tatlong linggo

Inilathala ang pinakabagong kaso, na iniulat ni Dr. Jennifer Nicole Hard ng University of Florida College of Medicine at kasamahan niya, sa journal na BMJ Case Reports.

Dating malusog ang lalaki. Ipinaalam niya na walang nagbago sa kanyang diet o pag-inom ng alak, at wala rin siyang iniinom na gamot o over-the-counter medicine. Hindi rin siya gumagamit ng illegal drugs at walang history ng sakit sa atay ang kanyang pamilya.

Gayunman, sa loob ng tatlong linggo na naging dahilan ng kanyang pagkakaospital, nagsimula siyang uminom ng energy drink para makasabay at lumakas sa kanyang mabigat na trabaho bilang contruction worker.

Matapos ang tatlong linggo, nagsimula na siyang makaranas ng sintomas tulad ng general malaise, anorexia, acute abdominal pain, pagkahilo, at pasusuka. Naalarma ang pasyente nang mapansin niya na naninilaw na ang kanyang katawan at kulay itim na ang kanyang ihi.

Napag-alaman sa examination na tumaas ang bilang ng enzymes na tinatawag na transaminases, na nakasisira ng atay. Ibinunyag ng liver biopsy na ito ay acute hepatitis at napag-alaman din ng mga doktor na mayroon nang hepatitis C infection ang pasyente.

“Though the patient was found to have HCV [hepatitis C virus] infection, we did not think HCV was responsible for his acute hepatitis,” ayon sa report ng mga doktor.

Ipinaliwanag ng mga manggagamot na naging dahilan ang sobrang intake ng vitamin B3, na mas kilala bilang niacin, sa pagkakaroon ng acute hepatitis.

Umubos ang pasyente ng halos 160-200 milligrams ng niacin kada araw, na doble sa rekomendasyon na pag-inom nito kada araw.

Bagamat ang ganitong lebel ng niacin ay hindi dapat maging dahilan ng toxicity, kapareho ito ng isa sa kaso ng energy-drink na naiugnay din sa hepatitis.

Ang kaso na nailathala sa BMJ Case Reports ang dapat magbigay alerto sa mga doktor sa nakasisirang epekto ng energy drink at matulungan sila na mabawasan ang dahilan ng hepatitis. At sana’y pansinin ang posibleng negatibong epekto ng vitamins, supplements, at iba pang produkto sa atay.

Inirekomenda ng mga doktor na dapat ay may sapat na kaalaman ang mga pasyente sa panganib ng liver toxicity na sanhi ng pagkonsumo ng energy drink.

“As the energy drink market continues to rapidly expand, consumers should be aware of the potential risks of their various ingredients. Vitamins and nutrients, such as niacin, are present in quantities that greatly exceed the recommended daily intake, lending to their high risk for harmful accumulation and toxicity,” saad ng mga awtor.

(Medical News Today)