SA kabila ng lumalakas na suporta ng mga opisyal ng administrasyon para sa isang Constitutional Assembly (Con-Ass) na magbabago sa Konstitusyon, nananatiling malinaw ang ideya na higit pa ring naaangkop na gawin ang Constitutional Convention (Con-Con).
Ang pangunahing dahilan sa iginigiit na Con-Ass ay ang bilyun-bilyong piso na matitipid sa pagsasagawa ng kinakailangang paghahalal ng mga delegado sa kumbensiyon. Sinasabi ring ang isang kumbensiyon—mula sa paghahalal ng mga delegado hanggang sa kanilang huling sesyon—ay gugugol ng mahabang panahon.
Kasabay nito, iginiit ng mga nagsusulong ng Con-Ass na ang isang asembliya, na binubuo ng mga nahalal nang kasapi ng Senado at Kamara de Representantes, ay nariyan at handa nang sumabak sa trabaho, at handa na ring aprubahan ang mga pagbabago na posibleng ipanukala ng bagong administrasyon, partikular na ang pagpapalit para maging federal ang ating gobyerno.
Gayunman, ang kasaysayan ng Kongreso kaugnay ng pagbabago sa Konstitusyon ay hindi maganda. Halimbawa, ang constitutional provision laban sa dinastiyang pulitikal ay bahagi na ng Konstitusyon simula noong 1987, at kailangan lamang ng isang batas upang maipatupad, subalit napakarami nang Kongreso ang nagdaan sa nakalipas na 20 taon at paulit-ulit lang itong nabalewala. Hindi natin inaasahan na ngayong 17th Congress, sakaling magpulong para sa Con-Ass, ay magkakaroon ng kaibahan.
May matinding pangamba na posibleng rebisahin ng mga miyembro ng Kongreso ang limitasyon sa kanilang mga termino upang matagal silang manatili sa posisyon. Inaprubahan din ng Kamara de Repsentantes sa huling Kongreso ang panukalang amyenda sa Konstitusyon na nagkakansela sa limitasyon ng pagmamay-ari ng mga dayuhan ng mga ari-arian sa Pilipinas. Isinantabi rin ng mga mambabatas ang mga panukala sa Freedom of Information na hangaring maging mas transparent at may pananagutan ang mga aktibidad at desisyon ng mga opisyal ng gobyerno.
Ang uri ng pag-iisip na ito ay maaaring manaig sa paglikha ng bagong Konstitusyon kung gagawin ito ng mga kongresista at senador na magpupulong sa Constituent Assembly. Sa paghahalal ng mga delegado sa kumbensiyon, inaasahan ding igigiit ng mga kasaping ito ng Kongreso ang kani-kanilang kandidato, ngunit maraming botante ang posibleng kumilala at bumoto sa mga kilala nang awtoridad sa batas, gaya ng mga retiradong mahistrado, na hindi kumakandidato sa eleksiyon para sa mga senador at kongresista.
“If we want Charter reforms to succeed, we have to do it right,” sinabi kamakailan ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza. Ang paghahalal ng mga delegado sa kumbensiyon ay makatutulong din upang aktibong makibahagi ang mamamayan, aniya. Mararamdaman ng publiko na bahagi sila ng pagbabago na ipatutupad sa bagong Konstitusyon. Higit nilang mararamdaman na kasali sila sa pagbabagong idudulot ng bagong administrasyon sa bansa.