TARLAC CITY - Nagtamo ng malubhang sugat sa kilay ang isang barangay kagawad matapos siyang tagain ng isang kabarangay na gumagawa ng kaguluhan sa Sitio Mangga II, Barangay Matatalaib, Tarlac City, nitong Martes ng madaling araw.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Wilson Ducusin, bitbit ang jungle bolo ay nag-amok si Rene Bondoc, 30, binata, sa mga nagtatrabaho sa drainage canal sa Sitio Mangga II nang inawat siya ni Reno Soliman, 56, may asawa, kasama ang ilang Bantay Bayan.
Gayunman, lalong nagwala si Bondoc hanggang sa tagain sa kilay ang kagawad.
Naaresto naman ang suspek at nakuhanan umano ng isang plastic sachet na may hinihinalang shabu. (Leandro Alborote)