Umabot sa 1,600 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos lamunin ng apoy ang 800 bahay sa Las Piñas City kahapon, Araw ng mga Kaluluwa, ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat ni Las Piñas Fire Department Fire Marshall, Supt. Crispo Diaz, dakong 3:00 ng madaling araw nagsimulang kumalat ang apoy sa bahay ng isang Eduardo “Eddie” Angeles sa Manggahan Graymarville Compound Association, BF Resort, Talon Dos dahil umano sa napabayaang kandila.

Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang daan-daang magkakadikit na bahay na pawang gawa sa light materials.

Nabatid dakong 3:15 ng madaling araw dumating ang mga bumbero upang apulahin ang sunog subalit naging problema ng mga ito ang napakalayong fire hydrant sa lugar kaya agad na umakyat sa unang alarma ang sunog makalipas lamang ang limang minuto.

Sen. Bato, iginiit na hindi convicted criminal si Lopez para ilipat sa Women's Correctional

Ilang residente ang nagtulungan, gamit ang mga balde at batya na ginamit sa pansalok ng tubig, sa pagsaboy ng tubig sa mga nasusunog nilang bahay ngunit sadyang mabilis ang pagkalat ng apoy sa lugar.

Itinaas pa sa ikalawang alarma ang sunog, dakong 4:20 ng madaling araw, hanggang sa tuluyang naapula dakong 7:32 ng umaga.

Walang naiulat na nasaktan o namatay sa insidente at patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng ari-ariang natupok. (BELLA GAMOTEA)