INFANTA, Pangasinan - Ilang grupo ng mangingisda ang tutulak ngayong Huwebes sa Scarborough Shoal para makapangisda.

Ito ang inihayag kahapon ng mga mangingisda na una nang namalakaya sa Scarborough noong nakaraang linggo.

Malaya silang nakapangisda roon at nag-uwi pa ng banye-banyera ng sagana nilang huli.

Ipinagmalaki ni Gilbert Bauya, boat captain ng Ruvina 3, na malaki ang posibilidad na magtutuluy-tuloy na ang kanilang pangingisda sa Scarborough.

Probinsya

Truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon, nahulog sa bangin; isa patay!

Simula noong Abril 2012 ay hindi na nakapangisda ang mga Pilipino sa Scarborough dahil lagi silang itinataboy ng mga barkong Chinese, at minsan pa nga ay ginagamitan ng water cannon.

Ito ang dahilan kaya idinulog ng gobyerno ng Pilipinas ang kaso ng agawan sa teritoryo sa arbitral tribunal, na sa desisyong inilabas nitong Hulyo ay nagsabing ang Scarborough ay tradisyunal na pangisdaan ng lahat.

Umaasa rin ang iba pang mga mangingisda na magsusunuran na rin ang iba pa para mag-ahon sa Scarborough, na apat na taong hindi nila napangisdaan.

Samantala, wala pang malinaw na kasunduan ang Pilipinas at China kaugnay ng usapin sa Scarborough at kung hanggang kalian malayang makapangingisda sa lugar ang mga Pilipino. (Liezle Basa Iñigo)