Sa kulungan ang bagsak ng isang binata matapos arestuhin ng pulis dahil sa pananakot, sa pamamagitan ng baril, sa kanyang mga kapitbahay sa Caloocan City, nitong Martes ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (comprehensive firearm and ammunitions) si Roberto Lagario, 29, ng Phase 10-A, Package 3, Block 48, Lot 24, Barangay 176 ng nasabing lungsod.
Ayon kay SPO1 Joselito Bagting, dakong 8:30 ng gabi, lasing na lumabas ng bahay ang suspek at naghamon ng away hawak ang cal. 9mm.
Sa takot ng kanyang mga kapitbahay, nagsipasok ang mga ito sa kani-kanilang tahanan at ikinando ang mga pinto at nagdesisyon na tumawag sa Philippine National Police (PNP) na siya namang nakipag-ugnayan sa Police Community Precinct (PCP) 3.
Makalipas ang ilang minuto, rumesponde na sina PO1 John Ferdinand at PO1 James Coronan at naaktuhan si Lagario sa gitna ng kalsada habang may hawak na baril.
Hindi na nakapalag ang suspek nang posasan siya ng mga pulis. (Orly L. Barcala)