MAY pitong anak si Mah Pari, na nakatira sa mayamang rehiyon, sa probinsiya ng Balochistan sa timog-kanlurang Pakistan, ngunit umiiyak ang dalawang taong gulang niyang anak na lalaki na si Gul Mir, dahil sa nadaramang gutom habang karga niya ang paslit.
“All my babies were weak after they were born. Maybe it is because my breast milk is not good,” aniya.
Sa Pakistan, maraming ina ang sinabihan na pakainin ang kanilang bagong silang na mga anak ng tsaa, herbs, o formula milk, na isa sa pangunahing dahilan kung bakit maliit ang growth rate ng mga bata, na nasa 44 na porsiyento lamang.
Sa ibang bahagi ng bansa, madalas pinakakain ang mga sanggol ng ghee (mantikilya), pulot o tubo.
“I work all day at home, I don’t have time to breast feed,” ani Mah Pari, na naniniwala na ang tradisyunal na iba’t ibang pagkain ay mas mainam kaysa sarili niyang gatas.
Sa edad na dalawa, si Gul Mir ay may bigat na limang kilo lamang, batay sa timbangan sa rural mobile feeding center na pinangangasiwaan ng Doctors Without Borders (MSF) sa Manju Shori.
Ito ay mas mababa pa sa kalahati na dapat timbangin ng batang kaedad niya, habang ang pangkaraniwang bigat ng mga bagong silang na sanggol sa Kanluran ay 3.5kg – at ang kakulangan niya sa sustansiya sa mahalagang yugto bilang bata ay mayroong permanteng epekto.
Hindi lamang makikita ang ganitong insidente sa Balochistan, ang pinakamahirap sa apat na probinsya ng Pakistan.
Isa sa pinakamataas sa mundo ang growth stunting rate ng Pakistan, ayon sa UNICEF, dahil sa halo-halong mapanganib na factor tulad ng hindi maayos na nutrisyon, problema sa hygiene, at hindi malinis na tubig, isama pa ang kasalatan sa edukasyon ng mga ina.
Permanente at nakapanlulumo ang resulta nito na naglilimita sa pagtangkad, hindi kumpletong brain development, at panganib sa mga sakit.
May malaking epekto ito sa buong bansa, na nakababawas ng IQ at pagiging produktibo ng malaking porsiyento ng populasyon.
Ito ay “a crisis, it’s a massive emergency,” saad ni Angela Kearney, hepe ng UNICEF-Pakistan, at binigyang-diin na ang pangunahing sanhi ng malnutrisyon ay ang limitadong pagpapasuso.
Tanging 38 porsiyento lamang ng mga sanggol ang nabibigyan ng gatas ng ina sa kanilang unang anim na buwan, alinsunod sa rekomendasyon ng UN. Isinisisi ang mababang datos sa mga lokal na tradisyon, pagkakaroon ng mabibigat na trabaho ng mga ina, at ang malakas na marketing ng industriya ng mga branded na gatas.
“People here think that only formula can give energy to their children,” paliwanag ni Imtiaz Hussain, isang provincial health official.
“It is prescribed by doctors, often quacks, who are after money and get kickbacks from pharmacy stalls,” paniniwala niya.
“There is lack of knowledge, and unethical and aggressive advertising of breast milk substitute,” dagdag ni Kearney. (REUTERS)