SA ngayon, ang Mindanao na marahil ang may pinakapaporableng oportunidad upang makasabay sa pagsulong ng bansa. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, mayroon tayong presidente mula sa Mindanao — si Rodrigo Duterte ng Davao City. Ang dalawang kapulungan ng Kongreso ay pinangungunahan nina Senate President Koko Pimentel ng Cagayan de Oro City at House Speaker Pantaleon Alvarez ng Davao.
Inilunsad nitong Sabado ni Pangulong Duterte sa Cotabato City ang Comprehensive Reform and Development Agenda para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao at sa iba pang magugulong lugar sa rehiyon, sa pangakong magkakaloob ang pambansang gobyerno ng mas maraming pondo upang mapaunlad ang rehiyon. Ang Mindanao, aniya, ay maaaring maging pinakamayamang rehiyon sa bansa dahil sa sagana nitong likas-yaman at napakalawak na lupaing agrikultural.
Ngunit ang Mindanao rin ang rehiyong may pinakamalaking problema sa kapayapaan at kaayusan sa ngayon. Nagsasagawa ngayon ng opensiba ang Sandatahang Lakas laban sa Abu Sayyaf, na 38 na ngayon ang napapatay sa nagpapatuloy na pagtugis ng Task Force Sulu at ng 11th Scout Ranger Company ng Philippine Army. Matatandaang umani ng pandaigdigang pagbatikos ang Abu Sayyaf dahil sa pamumugot nito sa dalawang binihag nito mula sa Canada at pagpapalaya lamang sa ilang bihag mula sa Indonesia matapos magbayad ng ransom.
Sa iba pang panig ng Mindanao, umiiral ang isang walang katiyakang kapayapaan kasunod ng pagsisikap ng gobyerno na magkaroon ng negosasyong pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front, sa Moro National Liberation Front, at New People’s Army. Nakikipagpulong ngayon ang tatlong pangunahing grupong armado na ito sa mga kinatawan ng administrasyong Duterte na may partikular na programa para sa kanila, kabilang ang isang federal na sistema ng pamahalaan na magbibigay sa mga pinunong Moro ng higit na kapangyarihan sa mga rehiyong nagtatamasa ng awtonomiya.
Napakaraming problema sa Mindanao ngunit matutugunan naman ang mga ito at dapat na magtagumpay ang bagong administrasyon sa mga aspetong nabigo ang mga naunang administrasyon. Nakatutok ngayon si Pangulong Duterte sa kampanya laban sa droga sa bansa. Isinusulong din niya ang isang mas nagsasariling patakarang panlabas. Nanawagan din siya para sa isang programa sa malawakang paggastos para sa imprastuktura na inaasahang magpapaunlad sa bansa.
Ngunit tiyak na pinakamalapit ang kanyang puso sa Mindanao. Ang matagal nang nabalewalang rehiyon na ito sa ating bansa, na sa tuwina ay “lupang pangako” na hindi naisakatuparan. Sa kanyang talumpati sa Cotabato City, binanggit niya ang ipinangako sa larangan ng agrikultura, kabilang na ang pagkakaloob ng mga traktora at bangkang pangisda para sa mamamayan. Inatasan din niya ang Department of Social Welfare and Development na pagtuunan ng pansin ang mga proyekto na makatutulong sa mamamayan upang masugpo ang kahirapan at pagkagutom.
Malaki ang inaasahan natin sa espesyal na programang ito para sa Mindanao. Makatutulong ito upang mabalanse ang mga pagsisikap ng gobyerno para sa iba’t ibang rehiyon sa bansa at garantisadong magpapasigla sa ambag ng katimugang isla sa pangkalahatang kaunlaran ng Pilipinas.