Bubusisiin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga kaduda-dudang transaksiyon, kabilang ang pagkuha sa serbisyo ng isang ‘ghost ‘foreign coach at pagbili ng mga medical supplies at paggasta sa selebrasyon ng Philippine Olympic Committee (POC).

Ito ang sinabi ni PSC Commissioner Ramon Fernandez matapos madiskubre ng Commission on Audit (COA) ang mga kahina-hinalang dokumento na nagpapatunay na nakapagbigay ang ahensiya ng gobyerno sa sports ng mga tulong pinansiyal sa iba’t-ibang aktibidad, gayundin sa biyahe ng mga POC official sa iba’t-ibang internasyonal na torneo.

“Who is this foreign coach? What sport/NSA? A monthly allowance of 376k? tama ba ito,” pahayag ni Fernandez.

Napag-alaman sa PSC auditing, na isang foreign coach na nakatakda lamang tumanggap ng pinakamababa na US$1,000 at pinakamalaki na $3,000 ang may nakalulunang allowances at perks.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Nais din ng four-time MVP sa PBA na malaman ang legalidad nang pagbibigay ng pinansiyal na tulong ng dating administrasyon sa pribadong organisasyon na POC na tumatanggap din ng tulong pinansiyal mula sa kinaaaniban nitong International Olympic Committee (IOC).

Ikinagulat ni Fernandez ang paggastos ng PSC, sa pangangasiwa ni chairman Richie Garcia – kilalanag malapit na kaibigan ni POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco -- sa aktibidad ng POC tulad na lamang sa pagho-host ng bansa ng Asian Games Centennial Festival noong Enero 16 -19 sa PICC at selebrasyon sa bagong kinatawan ng bansa sa IOC na si Mikee Cojuangco – anak ni ‘Peping’.

Nakasaad sa CoA report na gumasta ang PSC ng P179,000 para sa selebrasyon ng bagong representante ng IOC at P15 milyon para sa paghost ng tatlong araw na Asian Games Centennial Festival.

Naiulat din na pinondohan ng P10 milyon ng Olympic Council of Asia (OCA) ang aktibidad na orihinal na itinakda sa Boracay subalit nakansela bunga ng bagyong ‘Yolanda’.

Ipinagtataka rin ng bagong PSC Board, na pinamumunuan ni chairman William ‘Butch’ Ramirez, ang pag-reimburse ng POC sa ginastos ng isang dating commissioner ng ahensiya sa ginamit nitong pondo sa pagsama nito sa isang torneo na kinabibilangan ng mga batang atleta.

Isa pa sa bubusisiin ang reimbursement ng POC para sa medical supplies para sa paglahok nito sa Indonesia Southeast Asian Games (SEA Games).

Si Fernandez ang commissioner na may hawak sa administrative function ng PSC. (Angie Oredo)