SA mula’t mula pa, kabilang ako sa mga hindi makapaniwala na ang mga checkpoint ang pinaka-epektibong estratehiya laban sa kriminalidad, lalo na sa pakikidigma sa bawal na droga. Ang ganitong pananaw ay nakaangkla sa mga obserbasyon na ang naturang sistema ng pagtatanod ay nagiging instrumento ng panggigipit at pangungulimbat ng ilang alagad ng batas.
Maaaring ito rin ang naging batayan ni Pangulong Rodrigo Duterte nang kanyang iutos ang paglansag ng mga checkpoint sa buong kapuluan. Maliban na lamang kung may mahigpit na pangangailangan, hindi niya pinahihintulutan ang walang pakundangang pagpapatigil at pagrekisa sa mga motorista, lalo na sa kalunsuran. Manapa, kung may A-1 information hinggil sa tinutugis na mga kriminal, hindi checkpoints ang kailangang ilatag kundi ibayong pagpapaigting ng police o military operations ang nararapat. Ang ganitong estratehiya ay nasubukan na sa kasalukuyang paglipol ng illegal drugs.
Ang paglalatag ng mga checkpoint sa buong kapuluan ay magugunitang iniutos ng Pangulo nang kanyang ilagay ang bansa sa state of national emergency on account of lawless violence. Bunsod ito ng malagim na pambobomba sa Davao City na ikinamatay ng 16 na katao at ikinasugat ng maraming iba pa. Hanggang sa isinusulat ko ito, nakilala at nadakip na ang mga suspek na iniimbestigahan at nasa pag-iingat na ng pulisya.
Sa paglansag ng mga checkpoint, maaaring nanamlay na rin ang Pangulo sa pagiging mabisa ng naturang sistema ng pagtatanod. Kabi-kabila na kasi ang mga ito at masyadong nakagigipit na sa mga motorista na nagmamadaling makarating sa kanilang patutunguhan. Isa pa, hindi lamang ang pulisya at militar ang naglagay ng mga checkpoint kundi maging ang iba pang sektor na tulad ng New People’s Army, Moro National Liberation Front, Moro Islamic Liberation Front, at maaaring may iba pang rebel group. Ang ganitong nakadidismayang sistema ay nagdudulot ng pangamba sa taumbayan.
Hindi miminsang nasaksihan natin ang pagmamalabis ng ilang alagad ng batas na walang habas na naninita ng mga motorista. Sa aking malimit na pag-uwi sa aming lalawigan, nakakasabay nating nakapila sa lansangan ang mga truck ng gulay at iba pang kargamento na isa-isang sinusuri ng mga awtoridad. May iba pa kayang kahulugan ito?
Naniniwala ako na sa halip na maglatag ng mga checkpoint, maging matapat na lamang at disiplinado ang ating mga alagad ng batas sa pagtupad ng kanilang makabayang tungkulin. (Celo Lagmay)