Magpoprotesta ang 36,000 taxi driver sa bansa at maghahain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huwag palawigin ang Uber, Grab Car at iba pang Transportation Networks Vehicles Services (TNVS).
Ito ang inihayag kahapon ni Fermin Octobre, national president ng Unite for Mass Progress Equality and Reality (DUMPER), sakaling hindi paboran ng LTFRB ang kanilang hinaing laban sa patuloy na pamamayagpag ng TNVS.
Ayon kay Octobre, sa Nobyembre 6 ay magpupulong ang executive committees ng DUMPER at kanilang legal arms upang isapinal ang petisyon para kontrahin ang patuloy na operasyon ng TNVS.
Diin ng grupo, unfair competition ang nangyayari dahil walang prangkisa ang TNVS habang ang mga karaniwang taxi ay hirap pang kumuha ng franchise bago makabiyahe. (Jun Fabon)