Kritikal ngayon ang lagay ng isang 18-anyos na lalaki matapos siyang barilin habang nakikipag-inuman sa Valenzuela City nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Zander Jake “Jekjek” Valdez, 18, ng Barangay Bignay, Valenzuela.
Ayon sa imbestigasyon, nakikipag-inuman si Valdez sa kanyang mga kaibigan, dakong 9:30 ng gabi sa loob ng isang bahay-kubo sa Bgy. Bignay nang pansamantala siyang iwan ng dalawa niyang kaibigan para bumili ng yelo at alak.
Sa salaysay ng dalawang kainuman ni Valdez, malayu-layo na sila sa lugar ng inuman nang makarinig sila ng putok ng baril at pagbalik nila ay nakita na lang umano nila ang biktima na duguang nakahandusay sa lugar.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin nagkakamalay sa ospital si Valdez.
Sinabi naman ng pulisya na walang ideya ang pamilya kung sino ang maaaring bumaril kay Valdez. (Jel Santos)