NAGING matagumpay ang paglalakbay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Brunei at China kamakailan, at ikinararangal ko na naging bahagi ako ng makasaysayang mga paglalakbay na ito.

Sa Brunei, nakamit ng delegasyong pinangunahan ng Pangulo ang pangako ng ating kapitbahay sa ASEAN na isulong ang kapayapaan sa Mindanao.

Gaya nga ng sinabi ni Pangulong Duterte, ipinahayag ni Sultan Hassanal Bolkiah ng Brunei ang pagnanais ng kanyang bansa na tumulong sa pagpapaunlad ng industriya ng Halal at ang pagpapalakas sa kapasidad ng Mindanao.

Naging isang oportunidad din para sa dalawang bansa ang pagpapalakas sa kalakalan at pamumuhunan sa ilalim ng BIMP-EAGA sa rehiyon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang BIMP-EAGA o the Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area ay isang inisyatibong inilunsad noong 1994 sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Fidel V. Ramos upang maging plataporma ng apat na bansa sa pagpapabilis sa kaunlarang pangkabuhayan.

Kinilala ni Pangulong Duterte, na nauna nang naglakbay sa Indonesia, ang malaking potensiyal ng rehiyon, na ayon sa Asian Development Bank (ADB) ay sumasakop sa 1.6 na milyong kilometro kuwadrado at may populasyong 70 milyon.

Nakuha rin ng Pangulo ang commitment upang palakasin ang ugnayan sa himpapawid at karagatan para sa pagsusulong ng kalakalan at negosyo. Sa aking pananaw, kritikal ang bagay na ito upang matiyak ang malaya at mabilis na pagdaloy ng produkto at komunikasyon hindi lamang sa pagitan ng Brunei at Pilipinas kundi sa buong rehiyon.

Tinalakay din ng dalawang bansa ang isyu ng maritime at depensa, lalo na ang mga problema sa ilegal na droga, pamimirata at human trafficking.

Sa China, ipinahayag ng Department of Foreign Affairs na lumagda ang Pilipinas sa 13 kasunduan, na karamihan ay nauukol sa kabuhayan, na magpapalakas sa kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang biyahe sa China ay katumbas ng $24 billion halaga ng pautang at kasunduan sa negosyo at inaasahang lilikha ng dalawang milyong trabaho para sa mga Pilipino sa susunod na limang taon.

Ang pinakamahalagang resulta ng paglalakbay sa China ay ang normalisasyon ng relasyon ng dalawang bansa, na nagkaroon ng lamat dahil sa away sa teritoryo.

Sa kanilang magkasamang pahayag, sinabi ng Pilipinas at China na pagbubutihin ang kooperasyon sa pagitan ng Coast Guard ng dalawang bansa sa pagtugon sa mga suliranin sa South China Sea.

Sa aking pananaw, walang batayan ang mga agam-agam kaugnay ng pagpapalakas ng relasyon sa pulitika at diplomasya ng dalawang bansa. Sa halip, ang panibagong pagkakaibigan ng Pilipinas at China ay makatutulong upang mapawi ang tensiyon sa South China Sea.

Ipinaliwanag ni Pangulong Duterte na ang pagpapalakas sa relasyon ng Pilipinas at China ay bahagi ng pagsunod niya sa probisyon ng Konstitusyon na magkaroon ng independent foreign policy ang Pilipinas.

Nilinaw niya na hindi niya pinuputol ang relasyong diplomatiko ng Pilipinas sa Estados Unidos, na matagal nang kaalyado ng Pilipinas. Ipinahayag lamang niya ang pagkakaroon ng foreign policy na lubos na magsusulong sa kapakanan ng mga Pilipino. Gaya... ng iniulat ng CNN, sinabi ng Pangulo na mahalaga sa Pilipinas na panatilihin ang relasyon nito sa Estados Unidos dahil maraming Pilipino ang naninirahan sa nasabing bansa.

Dahil dito, naniniwala ako na dapat ipagbunyi ang tagumpay ng paglalakbay ng Pangulo dahil sa pagpapalakas ng kooperasyon ng Pilipinas sa mga kalapit nitong bansa at pagsusulong ng interes ng mga Pilipino sa sentro ng ating foreign policy.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)