Nahaharap sa karagdagang kaso ang isang bilanggo sa Pasay City Jail makaraan siyang makumpiskahan ng pitong plastic sachet na may latak ng shabu sa biglaang Oplan Greyhound operation ng mga awtoridad nitong Lunes.

Sinabi ni Jail Warden Chief Insp. Glennford Valdepenas na nakuha mula kay Andrew Barotel, miyembro ng Sigue Sigue Sputnik at may kasong illegal possession of firearms, ang pitong plastic sachet na may latak ng shabu.

Dakong 9:20 ng umaga nang ikasa ng mga operatiba ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Pasay City ang sorpresang paghahalughog sa ikalawa, ikatlo at ikaapat na palapag ng city jail kung saan nakapiit ang mga Sigue Sigue.

Sinabi ni Valdepenas na natagpuan ang mga plastic sachet sa loob ng selda ni Barotel sa ikatlong palapag.

National

DOH, nilinaw na hindi kumpirmado kumakalat na umano’y ‘international health concern’

“Ilang beses na kami nagko-conduct ng surprise operation this month, and ito ngang latest ay nagresulta sa pagkakadiskubre sa mga kontrabando,” ani Valdepenas.

Bukod sa mga plastic sachet, nakasamsam din ang mga awtoridad ng mga gamit na aluminum foil, lighter at iba pang drug paraphernalia mula kay Barotel.

Inamin naman ni Barotel na sa kanya ang mga nakumpiskang kontrabando, at 2014 pa umano niya ginamit ang mga ito at nakalimutan lang umano niyang itapon.

Dahil nito, kinasuhan naman si Barotel ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. (Martin A. Sadongdong)