Kung pinagmumulta ang mga drayber na lumalabag sa loading at unloading area, sunod namang hahabulin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga pasaway na pasahero.

Ayon kay MMDA officer-in-charge Tim Orbos, partikular na huhulihin ang mga walang disiplinang pasahero na lalabag sa ‘closed door policy’ para sa mga bus sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).

Pagmumultahin ang mga pasaherong sasakay at bababa sa non-designated bus stops, gayundin ang mga dededma sa loading at unloading area.

“In tandem with the implementation of closed door policy, we will penalize undisciplined commuters,” ani Orbos, lalo na’t sila umano ang dahilan kung bakit nilalabag ng mga bus ang ‘closed door policy’.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa ilalim ng panuntunan, istrikto ang kautusan na isara ang pinto ng mga bus kapag wala sa loading at unloading area.

Ang mga lalabag ay pinagmumulta ng hanggang P1,000.

Samantala ang mga mahuhuling pasaway na pasahero ay iisyuhan din ng violation ticket. Jaywalking ang violation ng mga ito at pagmumultahin ng P500. Kung walang pambayad, ang pasaway na pasahero ay isasabak sa community service.

Ang panukala ay ilalahad ng MMDA sa Metro Manila Council (MMC) upang maaprubahan.

Magugunita na karamihan sa traffic violations ay nangyayari sa EDSA lalo na tuwing rush hour. Ang mga paglabag ay may malaking kontribusyon sa usad-pagong na trapiko sa EDSA. (ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN)