ANG Scarborough Shoal, na tinatawag nating Panatag Shoal o Bajo de Masinloc, ay isa sa mga pangunahing paksa ng pakikipag-agawan natin sa China ng teritoryo sa South China Sea.
Noong 2012, gamit ang mga water cannon, puwersahang itinaboy ng mga barkong Chinese ang mga bangkang pangisda ng Pilipinas mula sa dati na nilang pinaghahanguan. Dahil dito, naghain ng kaso ang gobyerno ng Pilipinas laban sa pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea, partikular na tinukoy ang Scarborough Shoal na nasa 150 milya sa kanluran ng Zambales, malinaw na saklaw ng 200-milyang Exclusive Economic Zone ng Pilipinas, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Hulyo ngayong taon nang nagpasya ang UN Permanent Court of Arbitration sa The Hague na ang Scarborough ay isang tradisyunal na pangisdaan para sa mga mamamalakayang Pilipino at Chinese at mananatiling ganito. Tungkol naman sa paggigiit ng China ng soberanya sa halos buong South China Sea, sinabi ng pandaigdigang korte na walang legal na basehan ang nasabing pag-angkin ng Beijing. Gayunman, idineklara ng China na hindi nito kinikilala ang nasabing pasya ng korte ng United Nations, at muling iginiit ang mga karapatan nitong nakabatay sa kasaysayan.
Sa harap ng paninindigang ito ng China, pinili ng Pilipinas na huwag nang gumawa ng anumang legal na hakbangin upang igiit ang pag-angkin nito sa teritoryo. Sinabi ni Pangulong Duterte na aapela na lamang siya para sa mga mangingisdang Pilipino na hindi makapangisda sa Scarborough sa nakalipas na apat na taon. Nang magbalik siya mula sa kanyang state visit sa China nitong Oktubre 21, sinabi niyang umaasa siyang makababalik nang muli ang mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough.
Noong nakaraang linggo, habang pauwi ay namataan ng mga mangingisda sa Pangasinan ang isang bangkang pangisda na nakaangkla sa saganang pangisdaan at lumapit sila para magsiyasat. At sa kanilang pagkasorpresa, walang bangkang Chinese na lumapit sa kanila upang sila ay itaboy. Dahil dito, sila ang mga unang Pilipinong mangingisda na umuwi na may bitbit na saganang huli mula sa Scarborough sa nakalipas na apat na taon.
Napaulat na sa pakikipagpulong ni Pangulong Duterte sa mga opisyal ng China ay nagpanukala ang huli ng isang pormal na deklarasyon para pahintulutan ang mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough, ngunit tutol dito ang mga diplomatikong opisyal na kasama ni Pangulong Duterte, dahil hindi maaaring ang China ang “magpahintulot” ng access sa isang lugar na wala itong eksklusibong karapatan. Alinsunod sa UNCLOS at sa probisyon ng Exclusive Economic Zones, ang Pilipinas ang may karapatan upang makinabang sa mga yamang-dagat ng shoal.
Nagpapasalamat tayo na nakabalik na ang ating mga mangingisda sa shoal, sa pagpapakita ng kabutihan ng China dahil sa mga pagsisikap ni Pangulong Duterte na higit na mapaigting ang ugnayan ng Pilipinas at China. Ang lahat ng ito ay dahil sa espesyal na kasunduan na nagawang maisakatuparan ni Pangulong Duterte sa kanyang state visit. Ang usaping legal ay kakailanganing resolbahin sa ibang panahon.
Ngunit ang katotohanan ay saklaw ang Scarborough ng ating EEZ at atin upang pagyamanin. At idineklara ng hukuman ng United Nations na isa itong tradisyunal na pangisdaan at dapat na manatiling bukas sa lahat ng mangingisdang Pilipino at Chinese. Itala natin ito sa record. Sa ngayon, dapat tayong maging masaya na makalipas ang apat na taon ay nagagawa na muli ng ating mga mangingisda na makapag-ahon sa dati na nilang pinangingisdaan.