HINDI pala guaranteed ang kontrata ni Mark Neumann sa TV5 unlike Derek Ramsay at Jasmin Curtis Smith na sa 2017 pa matatapos. Kaya pala panay ang guesting ng niya sa GMA-7.
“Hindi po ako guaranteed, tita, kaya kapag wala akong work, nganga ako,” kuwento ni Mark nang makita naming mag-isang nagmo-malling sa Trinoma nitong nakaraang Lunes ng gabi, sabay muwestra sa bibig na wala siyang kakainin. “Good thing po sabay-sabay ipapalabas ‘yung mga pelikulang nagawa ko at sa TV5 ‘yung show namin sa digital.”
Pinansin naming medyo tumaba na siya at lumaki ang tummy niya.
“Opo, hindi na po kasi ako makapag-gym ngayon kasi po may knee injury ako, for check-up po ito kasi ‘yung tissues parang napunit.
“Nangyari po ito nu’ng nagpa-practise ako for production number, nu’ng nag-slide po ako, tumama ‘yung buto ko sa (sabay turo), malakas po, tumunog ‘yung buto kaya as of now, hindi puwedeng ma-force pa,” kuwento ni Mark.
Loveless si Mark sa ngayon dahil kailangan daw muna niyang mag-concentrate sa career niya na hindi niya alam kung ano ang mangyayari ngayong wala nang entertainment department ang TV5.
Pero umaasa pa rin siyang maibabalik ang glory days nito.
Hoping din siya na sana ay lagi siyang may TV guestings sa GMA-7 para naman daw may trabaho siya. (REGGEE BONOAN)