Sa unang pagkakataon makalipas ang ilang taon, nananatiling nasa kontensiyon ang University of the Phililpines para sa Final Four habang papalapit ang pagtatapos ng elimination round.
Hawak ang kartadang 4-8, lumalaban pa ang Maroons para sa playoff berth sa ginaganap na UAAP 79 men’s basketball tournament.
Nakabuntot sa kasalukuyan ang UP sa fourth-running Adamson University na may patas na barahang 5-5.
Inaasahan ni coach Bo Perasol na marami pa rin ang masosopresa sa ikikilos ng State University.
Maging si team captain Jett Manuel ay natigagal sa inabot ng UP sa kasalukuyan.
“This is the first time in my career that, at this point in the season, I’m still vying for the Final Four,” aniya.
Ayaw sayangin ng graduating guard ang oportunidad na makausad sa Final Four ang koponan.
Kasunod ng kanyang itinalang 19 puntos, limang rebound, dalawang assist at dalawang steal sa laro kontra National University noong Miyerkules, naitala din ni Manuel ang kanyang career-best averages na 15.8 puntos, 4.3 rebound, at 2.6 assist.
Nag-deliver si Manuel sa pagkakataong kailangang- kailangan siya ng UP matapos ipasok lahat ang anim na free throw sa huling limang minuto ng laro upang pigilin ang rally ng Bulldogs at siguruhin ang 71-66 na panalo.
Dahil sa kanyang ipinamalas na husay, nahirang si Manuel para maging ACCEL Quantum/3XVI-UAAP Press Corps Player of the Week para sa linggo ng Oktubre 24 - 30.
Tinalo niya para sa citation sina De La Salle University center Ben Mbala at ang teammate niyang si Javi Gomez de Liano.
Ito ang unang pagkakataon mula ng ibalik ang weekly citation noong 2005, na isang taga UP ang ginawaran ng Player of the Week.
Ngunit, para sa 23-anyos na si Manuel kailangan pa nilang bunuin ang dalawang nalalabing laro upang maabot ang kanilang minimithi.
“We’re grateful right now for the (fourth) win, but me, medyo selfish, I want to win more,” ani Manuel.
“You know, these opportunities don’t come often, especially for UP. So I always tell the team coming into games na I was us to win so bad.” (Marivic Awitan)