Napatay ng mga pulis ang isang city councilor makaraang manlaban umano sa buy-bust operation ng pulisya sa Danao City, Cebu, nitong Lunes ng gabi, iniulat ng pulisya kahapon.

Ayon kay Senior Insp. Alejandro Batobalonos, hepe ng Danao City Police, isang high-value target na drug personality si Councilor Amador Capin, 42, ng Barangay Ginacot, Danao City.

Sinabi ni Batobalonos na sa Danao City nag-o-operate ng droga si Capin, na napatay dakong 11:45 ng gabi sa Bgy. Malapok.

Dagdag pa ni Batobalonos, matagal na nilang pinaghahanap ang konsehal makaraang masangkot sa big-time drug lord sa Cebu na si alyas Barok.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa pulisya, ipinatawag na nilang minsan si Capin at pinayuhang itigil na ang pagbebenta nito ng droga, lalo na dahil isa itong halal na opisyal.

Tumango lamang umano ang konsehal kaya nakampante na ang pulisya na tutugon ito sa kanilang panawagan.

Ayon sa natanggap na ulat, tuwing may maaaresto at iniimbestigahang drug suspect ang pulisya ay si Capin ang umano’y itinuturo ng mga ito na supplier ng droga sa siyudad.

Sa buy-bust operation nitong Lunes, nang malaman ng konsehal na pulis ang katransaksiyon niya ay kaagad siya umanong tumakbo at nagpaputok ng bitbit na .45 caliber pistol.

Gumanti ng putok ang pulisya at tinamaan ang konsehal na agad na nasawi.

Nasamsam mula kay Capin ang isang malaking pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P25,960, at P3,000 marked money.

(Fer Taboy)