ANG Araw ng mga Kaluluwa, na tinatawag ding Pista ng Lahat ng Kaluluwa, ay ginugunita tuwing Nobyembre 2, kasunod ng Todos los Santos. Kung binibigyang-pugay sa Todos los Santos ang mga namayapang napuspos ng kabanalan, ginugunita naman tuwing Araw ng mga Kaluluwa ang mga kaluluwa na pinaniniwalaang naglalakbay na patungo sa langit. Sa theology, ibinatay ito sa doktrina na nagsasaad na ang mga kaluluwa, na lumilisan mula sa katawan ng tao, ay hindi pa lubusang nalilinis sa mga pagkakasala kaya hindi pa maaaring umabot sa estado ng pagiging sagrado, ngunit maaaring matulungan ng mga mananampalataya na matamo ito sa pamamagitan ng mga pananalangin, pagninilay-nilay, pagtulong sa mga nangangailangan at pagdalo sa misa.
Pinaaalalahanan ang mga Katoliko na ang araw para dalawin ang mga namayapang mahal sa buhay sa mga sementeryo at memorial park ay ngayong Nobyembre 2, dahil ito ang itinalaga ng Simbahan para sa mga banal na kaluluwa. Binigyang-halaga ni Pope Benedict XV (1914-22) ang Araw ng mga Kaluluwa, na sa opisyal na liturhiya ng Simbahang Katoliko ay tinatawag na “Ang Paggunita sa Lahat ng Yumaong Mananampalataya”, nang ipagkaloob niya sa lahat ng pari ang prebilehiyong magdaos ng tatlong misa para sa Araw ng mga Kaluluwa: isa para sa mga yumaong mananampalataya, isa para sa mga personal na hiling ng pari, at isa para sa personal na panalangin ng Santo Papa. Sa iilang mahahalagang kapistahan lamang pinahihintulutan ang mga pari na magdaos ng higit sa dalawang misa.
Ipinagpapatuloy ng mga Pilipino ang tradisyunal na paggunita ng Todos los Santos tuwing Araw ng mga Kaluluwa—dumadalo sa misa at dumadalaw sa mga puntod upang manalangin, mag-alay ng bulaklak, magdasal ng rosaryo, magsindi ng kandila, at makipagkumustahan at magbahagi ng mga kuwento kasama ang mga kaanak, isang gawaing higit pang nakapagbubuklod sa pamilya. Iginagalang nila ang mga kaugaliang may kinalaman sa mga banal na kaluluwa; kabilang na ang pagdarasal ng isang tao ng tig-aanim na Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati, sa loob ng simbahan upang tumanggap ng kapatawaran ang kaluluwa. Maaari itong ulitin para sa ibang kaluluwa, sa pamamagitan ng paglabas sa simbahan at pagpasok uli upang usaling muli ang mga panalangin. Ang isa pa ay pagsisindi ng mga kandila na ang bilang ay katumbas ng mga kaluluwang dapat na ipanalangin.
Sa Mexico, ang All Hallows’ Eve, All Saints’ Day at All Souls’ Day ay sama-samang ginugunita bilang “Los Dias de los Muertos”. Ang mga tradisyong Chinese ay katulad ng sa mga Katoliko; mga bulaklak, prutas at pagkain ang iniaalay, sa paniwalang nagsasalu-salo rin ang mga kaluluwa sa araw ng kapistahan para sa kanila. Sa Hungary, batay sa kaugaliang Halottak Napja, iniimbitahan ng mga pamilya ang mga batang ulila para bigyan sila ng mga pagkain, damit at laruan. Sa Louisiana, nililinis at pinapalamutian ng mga tao ng mga bulaklak at krusipiho ang mga puntod. Ang pag-aalay ng mga dasal, bulaklak at misa ay pinaniniwalaang nakatutulong upang pansamantalang magbalik ang kaluluwa sa piling ng pamilya para makisalo sa pagkain, sa gabay ng mga nakasinding kandila.
Ang Araw ng mga Kaluluwa ay sinimulan noong ikapitong siglo ng mga monghe na nag-alay ng misa para sa mga namayapa nitong kapwa sa araw matapos ang Pentecost. Noong ikasampung siglo, itinakda ng Benedictine Monastery ang misa nito para sa mga kaluluwa sa Nobyembre 2. At pagsapit ng ika-13 siglo, opisyal nang inilagay ng Roma ang nabanggit na kapistahan sa kalendaryo ng Simbahan.