MAGANDA at malakas ang kombinasyon ng pagsasama ng tatlong malalaking artista ng ating showbiz industry, gaya nina Angelica Panganiban, Dingdong Dantes at Paulo Avelino sa latest movie ng Star Cinema na The Unmarried Wife na mapapanood na sa November 16.
Mula ito sa direksiyon ni Maryo J. delos Reyes.
Madalas naman nang makasama ni Angelica si Paulo sa Kapamilya shows, kay Dingdong na-impress ang aktres, kung paano nag-level up ang akting nito kumpara noon.
“Ang laki na ng difference ngayon ni Dingdong, talagang napapanganga ako sa kanya ngayon kapag umaarte siya,” bungad ng comedienne-actress.
“Hindi ko ini-expect -- sobrang flawless nu’ng performance na ‘pinakita niya. Ang galing-galing niya. Ang laki siguro nu’ng na’tulong iyong sobrang tahimik at masaya iyong buhay niya -- parang wala na siyang insecurities sa katawan niya.”
Pero hindi lang si Dingdong o si Paulo ang nakitaan ng intense acting ng kanilang direktor dahil maging si Angelica mismo ay pinahanga ang beteranong direktor.
“Siya iyong dapat i-elevate na natin na superstars na, kasi kailangan i-akyat natin sila na,” pagbibida ni Direk Maryo J sa hiwalay na panayam sa kanya.
Binigyang-diin ni Direk Maryo J na napapanahon pa para bigyan ng kaukulang pagkilala ang mga nakababatang artista natin.
“We need space in the industry to move everybody kasi andami na ring mga bata na gustong pumasok. So we have to push,” ani Direk. (Ador Saluta)