ANG kataimtiman ng Todos los Santos, na tinatawag ding All Hallows Tide, All Hallomas, o All Hallows’ Day, tuwing Nobyembre 1, ay isang pagdiriwang para sa lahat ng santong Kristiyano, kilala man o hindi, canonized man o beatified, ngunit partikular na para sa mga walang sariling espesyal na araw ng kapistahan. Sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas, ang Todos los Santos ay hindi lamang paggunita sa mga santo, kundi para rin bigyang-pugay at paggalang ang mga yumaong kamag-anak at kaibigan, sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aalay ng mga bulaklak at pagkain, pagdaraos ng vigil, at pagsisindi ng mga kandila sa mga puntod. Para sa mga Katoliko, isa itong banal na araw ng obligasyon, at dumadalo sa mga misa at nakikibahagi sa mga seremonya para sa mga yumao.

Ang Todos los Santos ay nagsimula sa sinaunang tradisyon ng pagbibigay-pugay sa mga martir ng Kristiyanismo. Habang dumadami ang mga inuusig na martir, nagpapatupad naman ang Simbahan ng karaniwang paggunita upang kilalanin ang pananampalataya ng mga ito. Binendisyunan ni Pope Boniface IV ang panteon sa Roma para sa Birheng Maria at sa lahat ng martir noong Mayo 13 ng 609 A.D. Itinalaga naman ni Pope Gregory III (731-741) ang Nobyembre 1 bilang opisyal na petsa ng Todos los Santos.

Kilala sa pagkakaroon ng malalim na respeto sa mga yumaong kaanak, ikinokonsidera ng mga Pilipino ang Todos los Santos o Undas bilang araw ng paggunita, isang mahalagang pagdiriwang na maliturgiya, kasunod ng Pasko at Semana Santa, na nagsisimula sa Vespers tuwing sasapit ang gabi ng Oktubre 31 at nagtatapos sa gabi ng Nobyembre 1. Ang Undas ay gaya ng tradisyon sa Mexico na “Dia de los Muertos” o “Day of the Dead”, na nakatuon sa pagtitipun-tipon ng mga miyembro ng pamilya sa mga puntod ng kani-kanilang mahal sa buhay.

Nagsisiuwian ang mga Pilipino sa kanilang mga lalawigan kung saan nakahimlay ang kanilang mga mahal sa buhay upang bigyang-pugay at respeto ang mga ito; nag-aalay sila ng mga bulaklak at mga pagkain at nagsisindi ng mga kandila sa mga sementeryo, memorial park, musoleo, at columbarium kung saan nagsasama-sama ang magkakamag-anak at mga kaibigan, nagbabahagi ng kani-kanilang kuwento at alaala, at magkakasamang nananalangin para sa mga yumaong mahal sa buhay. Sa mga lalawigan, nagbubuo ng mga grupo ng mang-aawit ang matatanda at minsan ay mga bata, upang magbahay-bahay para haranahin o awitan ang mga pami-pamilya, na tinatawag na “pangangaluluwa” o sa Bisaya ay “kalag-kalag”, isang gawaing pinaniniwalaang nagdudulot ng kapayapaan sa kaluluwa ng mga yumao.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Sa iba’t ibang panig ng mundo, ginugunita ng mga tao ang Todos los Santos sa iba-ibang paraan. Sa New Zealand, nagtatayo ang mga Katoliko ng mga altar upang bigyang-pugay ang mga Kristiyanong martir. Sa Lisbon, Portugal, nagsasagawa ang mga bata ng Papo-Deus, at nagbabahay-bahay upang tumanggap ng mga kakanin, mani at prutas. Sa France, nagdiriwang ang simbahan sa paggunita sa lahat ng santo. Sa Spain, Poland, Italy, Portugal, at sa ilang siyudad sa Amerika, naging tradisyon na ang magsindi ng mga kandila at dalawin ang mga puntod ng mga kaanak.