NAKANSELA ang courtesy call ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Emperor Akihito dahil sa pagyao ni Prince Mikasa sa edad na 100, nakababatang kapatid ni ex-Emperor Hirohito, ama ng kasalukuyang emperor. Nakahinga nang maluwag ang mga cabinet official at Pinoy businessmen na kasama ng pangulo maging ang protocol officer ng Japan sa kanselasyon dahil sa pangambang baka hindi makasunod si President Rody sa tamang decorum at proper attire sa harap ng Emperor.
Ipinagmalaki ni Mano Digong sa kanyang pag-uwi mula sa Japan, na ang Pilipinas ay nagtamo ng $l.85 billion o P89.73 bilyon sa kanyang pagbisita at pakikipag-usap kay Prime Minister Shinzo Abe. May 12 Japanese investment, ang nakatakdang ilagay sa ‘Pinas. Inaasahang magkakaloob ng 250,000 trabaho ang mga kumpanyang Hapon.
Kung ang military exercises ng Pilipinas at ng US ay nais nang ipatigil ni Pres. Duterte, handa naman siyang magdaos ng joint patrol exercises sa Japanese forces. Naniniwala si Du30 na ang relasyong Ph-Japan ay “unshakeable” dahil sa “special friendship” na namamagitan sa dalawang bansa. Tinawag pa niya ang Japan bilang “natatanging kaibigan na tulad sa isang kapatid.” ‘Di ba tayo ay may “special relationship” din kay Uncle Sam?
May balita noong Biyernes na posible pa ring maganap ang pagpupulong nina US Pres. Barack Obama at Pres. Duterte sa APEC Summit na gaganapin sa Peru nitong Nobyembre. Inihayag ni White House Press Sec. Josh Earnest na tinitingnan nila kung may sapat na oras o panahon si Obama na makipag-usap kay Duterte, at kung si Du30 ay talagang dadalo sa Apec Conference.
Naudlot ang bilateral meeting ng dalawa noong 29th Asean Summit sa Laos noong Setyembre matapos murahin ni RRD ang US President at nagbanta pang mumurahin niya ito nang harapan kapag tinanong siya nito hinggil sa extrajudicial killings sa bansa. Gayunman, pinagsisihan niya ang pagmura kay Obama, at sinabing nag-overreact lang siya tungkol sa news reports na baka tanungin siya ni Obama sa drug trafficking sa ‘Pinas.
By the way, talagang palaban na si Sen. Leila de Lima bunsod umano... ng “pagdurog” at “pambabastos” sa kanya ng Pangulo. Nagbanta ang senadorang may “balls” na ihahabla niya si Mano Digong bagamat batid niyang may taglay itong immunity bilang presidente. Ibinunyag niyang ilang kilalang personalidad ang nagsusulsol kay RRD upang siya’y “durugin at dikdikin” para matanggal sa puwesto, at dito ay kabilang sina ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo, DoJ Sec. Vitaliano Aguirre, Speaker Pantaleon Alvarez, at dalawang senador na hindi muna niya pinangalanan. Nosibalasi?
(Bert de Guzman)