NAGULAT kami sa nakita naming ugali ng batang aktor na cute na cute pa naman dahil bukod sa tabachingching ay magaling talagang umarte.

Ayaw sana naming isulat ito dahil bata pa naman siya, pero hindi namin mapapalampas ang nakita naming nakakabastos na trato niya sa kasama niyang may edad na.

Palabas kami ng ELJ Building nitong nakaraang linggo at papasok naman ang batang aktor na malakas ang pagkakatulak sa pintuang salamin na kamuntikan pa naming ikauntog.

Expected naming magso-sorry ang batang aktor dahil nga muntik na kaming mauntog sa napakalakas na pagkakabukas sa pintuang salamin, at napatingin naman siya sa amin pero dedma, nakasimangot at dire-diretsong naglakad.  

Tsika at Intriga

Anne Curtis, naalarma sa kumakalat na larawan ng Sierra Madre

Sinundan namin ng tingin, at may nasalubong na gustong magpa-picture, pero dinedma niya at diretso lang ang lakad.

Nakita naming hinahabol siya ng may edad nang babae na may bitbit na bag at tinatawag siya, pero dedma lang talaga.

Sa diretsong usapan, bastos at walang galang ang batang aktor dahil kahit na may toyo siya nang mga oras na iyon, the fact na kamuntikan niya kaming masaktan sa napakalakas na pagbubukas niya ng pinto ay dapat siyang humingi ng dispensa. 

Ikalawa, marami ang gustong magpa-picture sa kanya, pero hindi rin niya pinansin. Baka nakakalimot ang batang aktor na kaya siya kilala ay dahil sa mga tagahanga niya, at kaya nga gustong magpakuha ng litrato. Pero ipinahiya lang niya ang mga ito.  

Ikatlo, ang kawalan ng respeto niya sa kasama niyang babaeng may edad na. Maski na kasambahay pa ay deserving itong igalang ng mas nakababata lalo pa’t tagapag-alaga niya.

Ayaw naming kuwestiyunin kung paano pinalaki ang batang aktor ng magulang niya dahil naniniwala naman kami na tiyak na tinuruan siya ng magandang asal at rumespeto sa lahat ng tao, ke bata, matanda o kasambahay.

Nakasisiguro kami na kapag naiparating ito sa batang aktor ay matatandaan niya ang senaryong ginawa niya, maliban na lang kung may amnesia siya. Sayang, magaling at sikat pa naman siya. (Reggee Bonoan)