SA liturgical calendar ng Simbahan, ang unang araw ng Nobyembre ay pagdiriwang ng “Todos los Santos” o All Saints’ Day. Araw ng mga Banal at ang ika-2 ng Nobyembre ay “All Souls’ Day” o Araw ng mga Kaluluwa. Ang Todos los Santos ay pagdiriwang ng kapistahan ng lahat ng mga banal. Paggunita sa mga taong naging banal dahil sa mga kabutihan nilang ginawa sa kapwa at sa pagmamahal sa Diyos noong sila’y nabubuhay pa. Ang All Souls’ Day naman ay paggunita sa mga kaluluwa ng ating mga mahal sa buhay na namayapa na. Ang All Saints’ Day at ang All Souls’ Day ay dalawang araw na nagsisilbing katibayan ng paniniwalang Kristiyano sa pagkakaroon ng kabilang buhay at ng patuloy na ugnayan ng mga nabubuhay at ng mga namayapa. Kaya, ngayon at bukas, ang mga Kristiyano sa iba’t ibang lugar ng iniibig nating Pilipinas ay dadalaw sa mga sementeryo at memorial park upang gunitain at alayan ng mga bulaklak, magtirik ng mga kandila sa puntod ng mga namayapang mahal sa buhay at pag-ukulan ng panalangin.

Ang All Saints’ Day ay isang pandaigdigang pagdiriwang ng mga Kristiyanong Katoliko na pinararangalan ang lahat ng mga naging martir o namatay sa ngalan ni Kristo. Tinatawag na “Triumphant church”. Ngunit sa ating Bayang Magiliw, at iba pang buong Kristiyano sa daigdig, ang unang araw ng Nobyembre ay iniuukol sa paggunita sa mga namayapa nating mahal sa buhay. Taun-taon ay hindi nalilimutang bigyan ng pagpapahalaga ng mga naiwang kamag-anak sapagkat itinuturing na isang tradisyon na walang kupas.

Ang All Souls’ Day ay paggunita sa mga kaluluwa ng mga namayapa nating mahal sa buhay. Ang Araw ng mga Kaluluwa ay tinatawag naman na “Suffering Church” na pinag-uukulan ng mga panalangin ang mga naghihirap na kaluluwa ng mga kapatid natin na pinaniniwalaang nasa Purgatoryo. Nangangailangan sila ng ating mga panalangin upang madali ang pagpunta nila sa kaharian ng Diyos. Nagdurusa at nagbabayad-sala sa kanilang mga kasalanan na hindi napagsisihan bago sila bawian ng buhay. Ang Purgatoryo ay isang pook na pinaniniwalaang doon ginaganap ang paglilinis o pagpurga para sa mga nagkasala ngunit namatay sa biyaya ng Diyos. Walang binabanggit na Purgatoryo sa Bibliya ngunit dalawang manunulat ang bumanggit sa kanilang mga sinulat na mga tulang epiko. Ang una ay si Dante Aligierri, isang Italyanong makata, na sumulat ng “Divina Comedia” o Divine Comedy. Ang ikalawa ay si John Milton, isang makatang Ingles na bulag na sumulat ng mga epikong “Paradise Lost” at “Paradise Regain”.

Ang panalangin para sa mga kaluluwa ay sinimulan at pinalaganap... ni San Odilon noong ika-10 siglo sa Abbey of Kluny France na noon ay sentro ng religious at cultural activities sa Europe.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Kahit sinasabing nagbabago ang panahon at taun-taon ay tumataas ang presyo ng mga bulaklak at kandila tuwing All Saints’ Day at All Souls’ Day, hindi naman nagbabago ang pagpapahalaga sa mga namayapang mahal sa buhay. Nakaugat at matibay na bahagi na ng tradisyon at kulturang Pilipino. Namatay man sila at wala na sila sa ating piling, buhay naman sila sa ating pagmamahal, alaala at mga dalangin. (Clemen Bautista)